January 18, 2025

GURO, ESTUDYANTE PRAYORIDAD SA 2025 NATIONAL BUDGET

SA gitna ng pagbatikos, nilinaw ni Senador Grace Poe na nananatiling prayoridad ng Kongreso ang edukasyon sa pinagtibay na 2025 national budget sa kabila ng ilang tinapyas na pondo sa Department of Education (DepEd) and Commission on Higher Education (CHED).

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on finance na nananatiling prayoridad ng Senado ang sektor ng edukasyon alinsunod sa itinakda ng 1987 Constitution.

“Working with finite resources to fund infinite needs is not an easy choice,” ani Poe, “but what we have reflects the careful decisions made within the constraints we face. We reiterate that the education sector remains a priority, as we have increased the budget for students and teachers.”

Aniya, nirerespeto ng mambabatas ang karapatan ng Palasyo hinggil sa paglalaan ng pondo.

Unang pinalagan ni DepEd Secretary at dating Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara  ang tinapyas na P10 bilyon sa 2025 budget ng DepEd – sukdulan aniyang maapektuhan ang computerization program ng ahensya.

Gayunpaman, iginiit ng Poe na kahit may binawas na pondo, hindi hamak na mas mataas ang 2025 Deped budget kumpara sa alokasyon para sa kasalukuyang taon.

Kabilang sa prayoridad ang paglalaan ng pondo sa human capital na mayroong P9.948 bilyon sa  teaching supplies allowance increasing mula sa dating P4.825 bilyong nitong 2024.

“We prioritized human resources.  Ang kaguruan at mga estudyante ang puso at diwa ng sektor ng edukasyon,  hindi ang mga kompyuter,” ayon kay Poe.

Binanggit din ni Poe ang ulat ng  Commission on Audit (COA) na umabot lamang sa  50% ng pondo para sa 2023 Computerization Program budget ang nagamit sanhi ng systemic issues tulad ng pagkaantala sa pagbili.

Aniya, dapat tugunan o lutasin muna ng DepEd ang delay sa procurement process bago humingi ng karagdagang badyet.