June 19, 2025

Gumahasa sa PWD, arestado sa Antipolo

ANTIPOLO CITY — Isang 23-anyos na babaeng may kapansanan (PWD) ang naging biktima ng malupit na pang-aabuso matapos sapilitang painumin ng pills at gahasain ng isang lalaking kabilang sa Regional Level Most Wanted Persons sa Brgy. San Luis, Antipolo City.

Naaresto ang suspek na si alyas “Gobito” / “Don-Don”, 56-anyos, sa isang operasyon ng Tracker Team ng Antipolo Component City Police Station katuwang ang CIDG-Rizal PFU at 404th A MC RMFB 4A noong Hunyo 18, 2025.

Ayon sa ulat, Disyembre 8, 2024 nangyari ang insidente kung saan pinilit umano ng suspek na uminom ang biktima ng mga pills bago ito sapilitang gahasain. Matapos itong manlaban, tumigil ang suspek ngunit tinakot pa ang biktima na papatayin siya kung magsusumbong.

Ang biktima, anak ng tinderang si alyas “Inday,” ay naglakas-loob lamang na ikuwento ang nangyari sa kanyang ina makalipas ang ilang araw. Isinailalim siya sa medico-legal examination at naghain ng kaso laban sa suspek.

Ang pagkakaaresto kay “Gobito” ay isang malaking tagumpay para sa mga awtoridad na naglalayong protektahan ang mga PWD laban sa mga ganitong uri ng krimen.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Rizal Custodial Facility ang suspek habang naghahanda na ang korte para sa kanyang paglilitis.