November 23, 2024

Gulf News: Duterte pinakapopular na lider

Sa kabila ng kaliwa’t kanang alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao at pagpapatupad ng kamay na bakal, itinuturing ngayon na ‘world most popular leader’ si Pangulong Rodrigo Duterte ng isang Middle Eastern publication.

Lumabas ang artikulo noong Oktubre 27 sa isang daily English broadsheet na Gulf News na nailathala sa Dubai at dini-distribute sa buong United Arab Emirates (UAE) at iba pang Persian Gulf countries.

Ang isa sa pinakadahilan kung bakit maituturing na ‘world most popular leader’ si Mr. Duterte ay dahil sa katapatan ng pangulo kaya siya pinagkakatiwalaan ng mga Filipino.  

“There’s record unemployment in the Philippines. People are facing hunger due to COVID-19 lockdowns. Despite the pandemic woes, or perhaps because of it, Filipinos have kept faith with President Rodrigo Roa Duterte, whose popularity has gone through the roof this year. He scored a record 91 percent public approval rating in a survey taken in September (released early in October),” pahiwatig ng newspaper.

Dagdag pa rito, ikinumpara rin ang approval rating na natanggap ni Mr. Duterte na 91% kay Russian President Vladimir Putin na 60% na nagpapatunay umano para sa kanyang mga taga-suporta na naitawid nang maayos ng Pangulo ang bansa sa gitna ng pandemic.

Ipinakita rin daw sa mga survey na hindi apektado ang popularidad ng Pangulo  sa mga batikos na ibinabato ng kanyang mga kritiko at nagpapakita lamang daw ng pagkakatulad ni Mr. President sa mga mahuhusay na lider ng henerasyon katulad nina Indian Prime Minister Narendra Modi at Brazilian President Jair Bolsonaro na napanatili ang mataas na suporta ng publiko sa kabila ng mga kritisismo  sa pagsugpo sa pandemya.

Bukod pa rito tanggap din umano ng mga Pinoy ang patuloy na pagsugpo ng gobyerno laban sa mga salot ng lipunan tulad ng korapsyon at iba pa.

Ipinakita rin daw ng Pangulo na wala siyang pinangingilagan sa pagbibitaw ng pahayag patungkol sa kanyang mga tirada maging sa mga kilalang mga personalidad katulad nina dating US president Barack Obama at Canadian president Justin Trudeau.

Ang popularidad ni Duterte ay maari ring umano dahil sa tagumpay ng  ‘Build, Build, Build’ program ng  gobyerno.

Ayon pa sa artikulo, ang panghuli umano ay posibleng pagpalit ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte bilang susunod na lider ng bansa dahil na rin sa popularidad ng kasalukuyang pangulo.