January 20, 2025

GSIS naglaan ng P1.8-B emergency loan para sa mga miyembro, pensiyonado na apektado ng Mt. Kanlaon

NAGLAAN ang Government Service Insurance System (GSIS) ng mahigit sa P1.8 bilyon para sa emergency loans upang matulungan ang 72,846 active members at pensioners sa Negros Occidental na naapektuhan ng pagsabog ng Mount Kanlaon. Bukas ang aplikasyon para sa loan hanggang Enero 21, 2025.

Kabilang sa mga kwalipikadong aplikante ay ang mga aktibong miyembro na nakatira o nagtatrabaho sa lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity. Dapat may updated na premium payments sa loob ng anim na buwan, walang overdue loans para sa mahigit anim na buwan at may minimum take-home pay na P5,000 pagkatapos ng deductions.

Hindi kwalipikado ang mga miyembro na nasa leave without pay o may naka-pending na administrative o criminal cases.

Maari ring mag-apply ang mga pensiyonado na matatanda at may kapansanan na nakatira sa mga apektadong lugar kung ang kanilang net monthly pension ay nananatiling hindi bababa sa 25% pagkatapos ng loan deductions.

Maaring manghiram o mangutang ng hanggang sa P20,000 ang mga miyembro na walang umiiral na emergency loan at eligible pensioners. Samantala, ang mga miyembro na mayroong umiiral na emergency loan ay maaaring mag-apply hanggang P40,000, na ang natitirang balanse ay mababawas sa bagong pautang. Ang utang ay may 6% na taunang interes at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon. Kasama rin dito ang redemption insurance, na naglilinis ng natitirang balanse ng nanghihiram sakaling mamatay, basta’t updated ang mga bayarin.


Ang pera mula sa pautang ay papasok direkta sa eCard o UMID card ng borrowers.

Para sa mas maraming impormasyon, maaring bisitahin ng mga interesadong miyembro at pensiyonado ang website ng GSIS sa www.gsis.gov.ph, sa kanilang Facebook page sa @gsis.ph, sa email na [email protected], o tumawag sa GSIS Contact Center sa numerong 8847-4747.