November 24, 2024

GSIS IBINUKAS NA ANG CALAMITY LOAN SA MGA NAAPEKTUHAN NG LINDOL SA ABRA

INANUNSIYO ni GSIS President and General Manager Wick Veloso na maaaring maka-avail ng calamity loans ang mga miyembro ng GSIS na naninirahan sa lalawigan ng Abra, na sinalanta ng magnitude 7 na lindol.

Sa press  briefing, sinabi ni Veloso na may lima punto limang bilyong pisong calamity fund ang GSIS na maaaring magamit sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Ang Lalawigan ng Abra ay inilagay ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa state of calamity dahil sa malubhang pinsala na tinamo sa nagdaang sakuna.

Sinabi ni Veloso na kahit ang mga miyembrong apektado ng lindol aa Abra na may dati ng utang sa GSIS ay maaari pa ring makakuha ng calamity loans.

Nilinaw naman ni Veloso na ang mga miyembrong may administrative charges at kasong kriminal ay hindi kuwalipikadong makapag-avail ng calamity loan.

Tinitiyak ni PGM Veloso na madali na ang proseso ng paglo-loan sa GSIS lalo pa at may mga kiosk na sila sa iba’t ibang lugar.

Nabatid na naglagay na ng limang kiosk ang GSIS sa Abra upang hindi na mahirapan ang mga miyembro.