
Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na sisimulan na sa Lunes, Hunyo 16, ang pagpaparehistro ng mga kwalipikadong supplier para sa ika-apat na round ng Green Energy Auction (GEA-4), kasunod ng paglalabas ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng Green Energy Auction Reserve (GEAR) prices noong Biyernes.
Sa press release nitong Sabado, inilahad ng DOE ang schedule ng mga aktibidad para sa GEA-4 bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na isulong ang paggamit ng renewable energy (RE) sa bansa.
Ayon sa DOE, ang huling araw ng pagpaparehistro ay sa Hunyo 20, habang ang pagsusuri sa mga dokumento ng aplikasyon ay isasagawa mula Hunyo 23 hanggang 27. Ang listahan ng mga kwalipikadong bidder ay inaasahang ilalabas sa Hulyo 15 at 16, at nakatakda ang mismong auction sa Setyembre 2.
“Ang mga hakbang na ito ay patunay ng matatag na paninindigan ng DOE na isulong ang pambansang seguridad at sustenabilidad sa enerhiya sa pamamagitan ng bukas at kompetitibong proseso ng pagkuha,” pahayag ng ahensya.
Simula pa noong Marso 29 ay inilunsad na ang proseso ng auction, sa pamamagitan ng pagpapalabas ng notice of auction at terms of reference, sinundan ng dalawang advisories noong Mayo 28 at Hunyo 11.
Binanggit ng DOE na ang GEA-4 ay maglalagay ng higit sa 10 gigawatts na solar at wind capacity para sa auction, na layong magsimula ng commercial operations mula 2026 hanggang 2029.
“Hindi lang ito magpapalakas ng RE share sa energy mix ng bansa, kundi magpapatibay rin sa grid reliability at magsisiguro ng energy security,” dagdag ng DOE.
Layon ng administrasyong Marcos na itaas ang renewable energy capacity ng bansa sa hindi bababa sa 20,000 megawatts pagsapit ng 2040.
Batay sa datos ng DOE nitong Abril 2025, mayroon nang kabuuang 6,804.67 megawatts na installed RE capacity para sa commercial use at 249.93 megawatts para sa sariling konsumo. Kabilang dito ang 1,319 RE projects sa bansa—pinakamalaki rito ang hydropower (414), solar (517), wind (291), biomass (57), geothermal (31), at ocean energy (9).
More Stories
SMB, Ginebra, at ROS Nag-aagawan ng Pwesto; Converge Nakapila na Lang
₱110-M Halaga ng Delikadong Baterya, Sinira ng DTI
Tulong sa mga apektadong OFW tiniyak… DMW NAKA-HEIGHTENED ALERT SA GITNA NG ISRAEL-IRAN CONFLICT