March 6, 2025

Grassroot hanggang Olympics… PSC AT PAI MAGKAAGAPAY

MAGKATUWANG ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Aquatics, Inc. (PAI) para maisulong ang programa sa sports mula sa grassroots hanggang sa pinakamimithing Olympic slots sa 2028 Los Angeles Games.

Ipinahayag ni PSC Commissioner Fritz Gaston na maayos na naiprisinta ng PAI ang kanilang programa para sa taong kasalukuyan kabilang na pagpapataas ng kalidad ng coaching, pagtukoy sa mga deserving athletes at makabuo ng kompetitibong koponan para sa malalaking torneo kabilang na ang Southeast Asian Games, Asian Games, World Cup at Olympic qualifying tournaments.

“We’re happy collaborating with PAI program this year. Nailatag nila ng maayos at tinukoy nila yung mga priority na kailang unahin. Nauunawaan nila na ang budget ng PSC ay hindi ganoon kalaki para masuportahan ang halos 80 sports association kaya napili nila at napagkasunduan namin yung mga dapat unahin sa PAI program,” pahayag ni Gaston, Commissioner-in-Charge sa sports na aquatics, sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Center (RMSC).

Iginiit ni Gaston na handa ang ahensiya para sustenihan ang international training program ng mga elite swimmers tulad nina 2023 Southeast Asian Games record holder Xiandi Chua, Chloe Isleta at Miranda Reiner sa Australia at Olympic medalist Fil-Canadian Kyla Sanchez.

“Right now may 20 tayong swimmers sa National Training Pool. Ginagawan naming sila ng mga programa para sa kanilang training especially sa ating mga batang swimmers para maihanda sila sa SEA Games, Asian Games and hopefully mag-qualify sa Olympics,” sambit ni PAI Executive Director Anthony Reyes sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.

Ayon kay Reyes, marubdob ang pagnanais nina PAI president Miko Vargas and Secretary General Batangas 1st District Congressman Eric Buhain na makalahok ang Pinoy swimmers sa Olympics sa pamamagitan ng qualifying time standard.

“Hindi na tayo makikiamot ng slots (Universiality) na parang pampaluibag-loob. Lalahok tayo sa Olympics, hopefully sa Los Angeles sa 2028 dahil nag-qualify ang ating mga swimmers sa qualifying meet,” saad ni Reyes, isa ring matikas na swimming coach.

Iginiit ni Reyes na hindi lamang swimming ang itataas ng PAI bagkus ang lahat ng sports ng aquatics tulad ng open swimming, diving, water polo and synchronize swimming.

“Meron tayong active 17 regional regional directors na nagsasagawa ng mga tournaments sa kani-kanilang probinsiya. Lahat ng mga talent sa probinsiya makikita natin sila sa ating National Championships at maging sa national tryouts na itinakda ng PAI this year,” aniya.

Ikinalugod naman ni water polo coach Roi Dela Cruz ang supirta ng PAI at ng PSC sa aquatics sports kabilang ang water polo na sa kabila ng mahabang panahong pagkawala sa aktibong torneo ay muling nabuhay at nagsisimulang umukit ng pangalan sa abroad.

“Last year lang uli kami naging active pero nakapagchampion na tayo sa isang tournament sa Malaysia last December. Ngayong may junior team na tayo binuoa na for the first time ay kasama na rin ang girls team. Aprubado rin ng PSC ay aming Serbian coach na si Filip Stojanovic.

Bukod sa nakalinyang mga torneo ngayong taon bago ang national tryouts para sa age group, sea games at Asian games, sinabi ni Reyes na magsasagawa ang PAI ng coaches seminar sa Marso 25-26sa Orchid Garde Hotel na pangangasiwaan ng Canadian coach ni Kyla -Sanchez. Pinatibay din ng PAI ang ugnayan sa ilang swimming club sa Australia upang mas maramin atleta ang maipadala para magsanay at makapaghanda para sa malalaking torneo sa abroad.