December 26, 2024

Grade-12 student binaril sa ulo, todas

Nakakulong na ngayon ang pangunahing suspek sa pagpatay sa isang Grade 12 student noong Linggo ng madaling araw sa Caloocan City matapos maaresto sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Valenzuela City, Lunes ng madaling araw.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, nadakip ng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station sa pangunguna ni P/Lt. Julius Villafuerte ang suspek na si Mark Roland Abrazaldo, 19 ng 167 D, Arellano St. Brgy. 133 bandang alas-2 ng madaling araw sa Phoenix gas station NLEX service road, Brgy, Paso De Blas, Valenzuela City.

Hindi narekober ng pulisya sa suspek ang baril na ginamit nito sa pagpatay kay Angelo Catalan, 20 ng 131 Kagitingan Alley, Brgy. 133 Bagong Barrio subalit, ang berde at dilaw na hiphop na suot niya nang mangyari ang krimen ay nakuha sa kanya.

Sinabi ni Mina, ilang mga saksi ang nakakita sa biktima na hinahabol ni Abrazaldo at kanyang hindi kilalang kasama dakong ala-1:30 ng madaling sa kahabaan ng Sigarillas Alley, Brgy. 133 at nang makorner ay binaril siya ng malapitan sa ulo.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek patungong Bitsuellas Alley habang isinugod naman ng rumespondeng mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station ang biktima sa pinakamalapit na hospital subalit, idineklara itong dead upon arrival.

Sa kasakuluyan ay inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente habang patuloy naman ang follow-up operation para sa agarang pagkakaaresto sa kasama ng suspek. (JUVY LUCERO)