MAHIGIT sa P3 bilyong piso ang naiilabas ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kada linggo na lantad sa korapsiyon, ayon sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
“Madami na kaming inimbestigahan, kinasuhan, pinatanggal at pinakulong, Pero ang isyu ng PhilHealth: Grabe po ito. Grabe ang nakawan, grabe ang kakapalan, grabe ang kawalanghiyaan,” ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa korapsyon sa PhilHealth.
“Mula ulo hanggang paa ang corruption,” aniya.
“Ito ang unang isyu na kailangan nating i-address ngayon dahil P2 billion hanggang P3 billion ang inilalabas ng PhilHealth linggu-linggo ay exposed sa corruption,” dagdag pa niya.
Una nang inirekomenda ng PACC ang pagsibak at pagsampa ng kaso laban sa 36 PhilHealth officials hinggil sa umano’y iregularidad sa state firm.
Ayon sa natuklasan ng PACC na naisasagawa ang mga insurance fraud dahil sa kakulangan ng transparency at balidasyon ng mga claim ng miyembro at health care providers (HCP).
Idinagdag pa ng PACC na malimit lang umanong nagsasagawa ng random post-audit ang ahensya dahilan para maging imposible na ang pag-audit sa bawat claims.
“Ang issue ng PhilHealth ay issue ng bawat Pilipino, dahil ang mandato nito ay siguraduhin na tutulungan tayo sa mga bayarin sa ospital kapag tayo ay nagkasakit,” anang PACC sa Senado.
“Kung grabe ang sakit ng Pilipino, mas grabe ang sakit ng PhilHealth. Kawawa po ang Pilipino,” giit ni Belgica.
Suhestyon sa huli ni Belgica para mawala na ang fraud sa PhilHealth na palakasin ang IT at legal system ng state-insurer.
“Dahil sa nakawan, namimeligro tayo na mawalan ng pondo. Paulit-ulit ang imbestigasyon pero walang nababago.”
“Ang imbestigasyon at resulta nito ay dapat umabot sa ugat ng problema, hindi pwedeng ulo lang. Kailangan lahat hanggang baba makasuhan, maparusahan, at mapalitan lahat.”
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY