June 15, 2025

Grab PH, Inilunsad ang Kauna-unahang Fully Electric Taxi Fleet sa Bansa

MANILA — Pormal nang inilunsad ng Grab Philippines ang kauna-unahang fully electric, on-demand taxi fleet sa bansa na kinilala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), isang hakbang na itinuturing na makasaysayan sa transportasyon sa Pilipinas.

Ayon sa Grab, ang bagong GrabTaxi Electric ay binuo sa pakikipagtulungan sa lokal na operator na EV Taxi Corp., at unang maglilingkod sa mga pangunahing lungsod ng Metro Manila gaya ng Makati, Taguig, Pasig, Mandaluyong, Parañaque, at Pasay.

Ang serbisyong ito ay kasalukuyang nasa beta phase, kung saan maaaring makapag-book ng electric taxi ang mga pasahero sa Transport tab ng Grab app, katabi ng mga regular na Grab mobility options. Ang mga opinyon ng mga pasahero at drivers mula sa pilot stage na ito ang magiging batayan sa disenyo, pagpapalawak, at pagpapabuti ng serbisyo.

Ayon kay Grab Philippines Country Head Ronald Roda, ang paglulunsad ay hindi lamang tungkol sa pagdagdag ng bagong transport option. “Ito ay tungkol sa pagbabagong-anyo ng urban transport sa Pilipinas upang maisulong ang sustainability, tulungan ang mga Filipino commuters, at lumikha ng mga makakalikasan at makabuluhang kabuhayan,” aniya.

Ang proyektong ito ay bunga ng pilot study ng Grab kasama ang BYD Philippines noong Hunyo 2024, na nagpakitang posible at kapaki-pakinabang ang paggamit ng electric vehicles (EVs) para sa fleet operators at driver-partners.

Dagdag pa rito, bahagi ang GrabTaxi Electric ng mas malawak na eco-mobility strategy ng Grab, na layong palawakin ang paggamit ng EVs sa mga lungsod gaya ng Davao at Cagayan de Oro sa mga susunod na buwan.

Para naman kay EV Taxi Corp. president Frankie Ang, ang proyekto ay patunay ng tagumpay ng kolaborasyon ng mga multinational platform at lokal na innovator. “Maaari tayong magtulungan upang pabilisin ang pagkakaroon ng mas malinis at inklusibong kinabukasan sa transportasyon,” wika niya.

Ang GrabTaxi Electric ay isang hakbang tungo sa mas luntiang transportasyon na maaring maranasan ngayon—isang biyahe patungo sa sustainable na kinabukasan.