February 14, 2025

GOV’T AGENCIES DAPAT TAPUSIN ANG PRIORITY PROJECTS SA TAMANG ORAS – PBBM

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin na matatapos sa tamang oras ang mga prayoridad na proyekto sa agrikultura, enerhiya, turismo, at pagpigil sa pagbaha sa Western Visayas.

Ito’y matapos niyang pangasiwaan ang isang pulong ng Regional Development Council sa Iloilo City nitong Huwebes ng hapon.

“Tuloy-tuloy na ang Jalaur River Multipurpose Project Stage II at ang Panay-Guimaras-Negros Bridges!” aniya sa kanyang mga Facebook at Instagram account nitong  Biyernes ng hapon.”

Pagpapatuloy ng Pangulo, “Kasama ang Regional Development Council, inutusan ko ang ating mga ahensya na tiyakin ang mabilis na pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastruktura at mga pangunahing pamumuhunan sa agrikultura, enerhiya, turismo, at pag-iwas sa pagbaha.”

Ipinabatid sa kanya ng mga lokal na punong ehekutibo ng Iloilo ang progreso ng mga proyekto ng imprastruktura ng gobyerno sa Western Visayas.

Ito ay ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng Boracay Circumferential Road, Jalaur River Multipurpose Project Stage III, Panay-Guimaras-Negros Island Bridge Project, Panay Railway System, Boracay Bridge Project;

Ang proyekto ng pagpapalawak ng kalsada sa kahabaan ng Jaime Cardinal Sin Avenue sa Aklan. Bacolod-Negros Occidental Economic Highway, Panay East-West Road, Panay River Basin Integrated Development Project, at ang Iloilo-Capiz-Aklan Expressway.

Larawan mula sa RTVM