December 25, 2024

GORDON KAY DUTERTE: WALA AKONG NINAKAW SA PONDO NG SUBIC

MAYNILA – Nilinaw ni Senator Richard Gordon kay Pangulong Rodrigo Duterte kahapon na wala siyang ninakaw na pondo noong siya ay chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SMBA).

Ilang beses na binatikos ni Duterte si Gordon sa mga taped address ng huli sa bansa. Dapat aniyang ibalik ng senador ang disallowed funds natamo umano niya sa kanyang panunungkulan sa SBMA.

“Hindi ko rin ho nga mapag-lubos isipan eh ako nga pinagbibintangan du’n sa Subic na ninakaw ko raw ‘yung P840 million, ngayon naging P140 million. Wala po akong ninakaw du’n, Mr. President. ‘Yun po ay mga sweldo ng mga nag-volunteer na hindi nababayaran, nabayaran po lahat ‘yan,” wika ni Gordon sa Senate blue ribbon committee hearing sa anomaly sa Pharmally.

“At ‘yun po ang mga binili, mayroon po akong mga affidavit ng gobyerno ng Amerika na walang katiwalian na binili namin ‘yung mga iniwanan nila doon at binayaran namin ‘yun,” pagpapatuloy niya.

Gayunpaman, nabanggit ng mambabatas na siya ay kinasuhan, ngunit ang kaso ay na-dismiss na.

“Ngayon inuulit ko 30 years later, sinasabi ko lang po ‘yan ngayon para maliwanagan ang tao na palaging inuulit ng mga trolls ninyo na ako’y nagnakaw du’n. Pa’no ‘ko magnanakaw?,” giit niya.

Sa isang press release na inilabas noong Nobyembre 2021, sinabi ng tanggapan ni Gordon na ang diumano’y P140 million disallowed funds ay “ginastos nang ayon sa batas at accounted para baguhin ang dating US naval base sa pangunahing investment hub ng bansa.”

“Pero ‘yung nagtrabaho sa Subic, kami pa ang kakasuhan niyo. Excuse me, Mr. President. I’m ready to face that music anytime. Magsinungaling na kayo hanggang gusto niyo. The truth will always set me free,” wika ni Gordon.

Bukod sa paratang na nagnakaw si Gordon, binatikos ni Duterte ang senador sa gitna ng imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa Pharmally Pharmaceutical Corp., isang firm na nakakuha ng bilyun-bilyong halaga ng mga deal ng gobyerno upang magbigay ng mga medikal na suplay sa gitna ng pandemya ng COVID-19 sa kabila ng binayarang kapital ng P625,000 lamang. Sa isa sa mga pagdinig ng panel, ipinakita ni Gordon ang video ng pakikipagpulong ni Duterte sa mga opisyal ng Pharmally sa Davao City noong 2017.