
Nagtipon sa sa harap ng gasoline station sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Philcoa in Quezon City ngayong Lunes ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) upang kundenahin ang panibagong big-time oil price hike na ipatutupad ng mga kompanya ng langis.
Ayon sa grupo, ang panibagong taas-presyo ay malinaw na maniobra ng mga dambuhalang kapitalista upang samantalahin ang tensyon sa Iran at Gitnang Silangan para kumita ng sobra-sobrang tubo.
Binatikos nila ang pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tahimik na pagtanggap sa galaw ng tinaguriang oil cartel, na anila’y kumukuha rin ng kita mula sa mga buwis sa langis na sa huli ay napupunta lang sa mga bulsa ng tiwaling opisyal.
“Habang pinahihirapan ang mamamayan, walang ginagawa ang gobyerno kundi maningil. Inutil ito sa harap ng krisis,” ayon sa grupo.
Hinimok ng grupo ang gobyerno na agad na i-suspend ang VAT at excise taxes sa langis upang mapagaan ang pasanin ng mga mamamayan at ibasura ang Oil Deregulation Law na naglimita sa papel ng gobyerno sa pagkontrol sa presyo ng produktong petrolyo.
Giit ng BAYAN, matagal nang pinatutunayan ng batas na ito ang pagiging inutil ng gobyerno sa pagprotekta sa interes ng publiko.
Nagbabala ang grupo na ang bagong taas-presyo ay tiyak na magtutulak ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, kasabay ng matagal nang hindi gumagalaw na sahod at paglala ng krisis sa ekonomiya.
Kaugnay nito, sinabi ng BAYAN na inaasahan ang mas malawak na kilos-protesta sa mga darating na linggo, lalo na sa nalalapit na Ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr.
“Hindi lang ito tungkol sa langis. Ito ay repleksyon ng kabuuang kapabayaan ng gobyernong Marcos sa kahirapan ng mamamayan,” dagdag ng grupo.
Binatikos din nila ang pakikipagkutsaba umano ng Pangulo at Kongreso sa pagtutol sa panukalang legislated wage hike, gayundin ang patuloy na presensya ng militar ng U.S. sa bansa, kawalan ng serbisyong panlipunan, at paglabag sa karapatang pantao.
More Stories
“MAY PROBLEMA KA BA SA MAY AUTISM?” — DENNIS TRILLO, NAG-INIT ANG ULO SA BASHER NG ANAK NI JENNYLYN
Property exposure ng mga bangko sa Pilipinas, bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng 6 taon — BSP
Collegiate Coaches ng UAAP at NCAA, paparangalan sa SMC-Collegiate Press Corps Awards