December 29, 2024

GOBYERNO HINDI TERORISMO

Sa bawat araw na lumilipas kung saan tayo ay nagpapakaabala, nagtityaga at nagpapakasipag upang magbigay tustos sa ating mga pangagailangan ay hindi namamalayan malamang ng ilan sa atin na tayo ay nakakatulong din sa gobyerno. Ito ay sa pamamagitan ng buwis na kinakaltas sa atin kada kinsenas-katapusan o kada mayroon tayong bibilhin sa isang palengke, mapa ito man ay pagkain o kagamitan. Ito ay isang katotohanan na kaakibat na natin sa araw-araw. Ang maliit na parte na nakukuha ng gobyerno sa ating mga bulsa ang siyang nagsisilbing buwis upang masustentuhan ang mga programa, proyekto at kawang gawa mula sa pamahalaan na sa dulo ay ang mga kapwa natin kababayan o di kaya ay tayo mismo ang makikinabang. Sa pamamagitan ng buwis na ito ang isa sa mga dahilan kung kaya at mayroon tayong pamahalaan na nangagasiwa at nagpapangalaga ng kaayusan, kaunlaran at kapayapaan sa ating bansa.

Subalit, mayroong umaaligid-aligid. Mayroong mga tao na nais pabagsakin ang pamahalaan. Mga indibidwal na may natatanging estilo para yurakan ang ating estado at ang isa sa mga nakakadismayang paraan nila ay ang pagbibigay ng kalituhan sa kanyang kapwa mamamayan at sinasabi nilang tanging kagagawan ng pamahalaan kung bakit ang ating bansa ay hindi makaahon sa kahirapan. Sila ang mga makakaliwang grupo, mga terorsita, na may baluktot na mga ideyolohiyang nais manghikayat ng mga taong may marupok at hilaw na pang unawa. Ito ang sila nilang ginagamit para mapalakas nila ang kanilang pwersa at kalaunan ay magamit sa kanilang intensyong itumba ang ating demokratikong pamahalaan sa pamamagitan ng marahas na pamamaraan.

Marami na silang nabiktima. Marami nang mga anak ang umalis sa kanilang tahanan at iniwan ang sariling pamilya. Marami nang buhay ng mga inosenteng kabataan ang nasayang. Marami na ring kabataan na may angking talino ang nalason ang isipan na baril sa halip na panulat ang tangan tangan nila. Marami nang mga magulang ang nangungulila sa kanilang mga anak. Marami nang pangarap ang kanilang nasayang. Marami na sa mga sana ay pag asa ng bayan ang tuluyan nang nawala. At sa lahat ng nangyaring ito, nananatiling matatag ang ating pamahalaan bagaman napakarami nilang sinasayang na buhay para pabagsakin ito.

Huwag tayong basta magpalinlang sa kung sinumang kumakalaban sa pamahalaan dahil may masnatatago pa silang baho na higit pa sa nais nilang ipaunawa sa atin. Kailangan mailimbag natin sa ating mga isipan na napakalaking kamalian kung kakalabanin natin ang ating gobyerno. Sapagkat ang matibay na pamahalaan ay sumasalamin sa isang matibay at maunlad na bansa. Tayong mga taong bayan ay kinakailangang sa ating pamahalaan lamang sumoporta at umalalay dahil ito ang ating sandigan upang mapanatili natin ang kapayapaang tinatamasa natin magpasa hanggang ngayon. Gawin natin ang ating kanya-kanyang parte para sa ikauunlad ng ating bayan.

Bagaman awtomatikong mayroon tayong ganap na karapatan upang makaalam at makialam sa gobyerno, nawa ay maging sapat ang ating pang-unawa at kaalaman. Ito ay nang sa gayon at may nakita tayong kapuna-puna ay matalino natin itong mapuna na ang ating intensyon ay paunlarin at hindi pabagsakin ang ating bansa. (PHILIPPINE AIR FORCE)