
MAYNILA — Inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules na handa ang pamahalaan ng Pilipinas na iuwi si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. upang harapin ang mga kasong kinakaharap nito, kasunod ng ulat ng kanyang pagkakaaresto sa Timor-Leste.
“Handa na ang Pilipinas na ibalik si G. Teves sa bansa mula pa nang unang aprubahan ang aming hiling na siya’y ma-extradite,” ayon sa DOJ sa isang opisyal na pahayag.
Ayon sa mga ulat, kinuha si Teves ng mga immigration police mula sa kanyang tirahan sa Dili noong Martes ng gabi at kasalukuyang nakakulong sa loob ng compound ng Ministry of the Interior sa Timor-Leste.
Bagamat walang opisyal na dokumentong ipinarating pa sa pamahalaang Pilipino kaugnay sa insidente, tiniyak ng DOJ na handa na silang ayusin ang custody transfer sa pinakamaagang panahon sakaling malinawan ang legal na proseso — kung ito ba ay simpleng deportation bilang undocumented foreigner o extradition batay sa kasalukuyang aplikasyon ng Pilipinas.
“Tuloy-tuloy ang aming pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Timor-Leste at nakahanda kaming umaksyon sa oras na magsimula ang pormal na proseso,” giit pa ng ahensya.
Samantala, tinawag ni Negros Oriental congresswoman-elect Janice Degamo, biyuda ng pinaslang na gobernador na si Roel Degamo, na “makabuluhang hakbang patungo sa hustisya” ang pagkakaaresto ni Teves.
“Nawa’y magsilbing paalala ito na walang sinuman ang mas mataas sa batas,” ani Degamo. “Ang pag-aresto kay Arnie Teves ay patunay ng lakas ng internasyonal na kooperasyon at ang ating kolektibong paghangad ng hustisya.”
“Inaasahan naming magsimula na ang tamang legal na proseso upang maibalik ang kapayapaan sa aming lalawigan at makamit ang hustisyang matagal nang hinihintay hindi lamang para kay Roel kundi sa daan-daang naging biktima ng Teves Terrorist Group,” dagdag pa niya.
Sa panig naman ng Philippine National Police (PNP), tiniyak ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na handa silang tumulong sa DOJ sa pagbabantay at pagbibigay ng seguridad kay Teves sakaling maibalik ito sa bansa.
“May nakahanda tayong security escort. Sinabihan ko na rin ang ating hanay na ihanda ang custodial facility kung kakailanganin ng DOJ,” ani Marbil sa panayam sa Camp Crame.
Gayunman, nilinaw niya na wala pa silang natatanggap na opisyal na kahilingan mula sa DOJ kaugnay ng kanilang partisipasyon, at wala pang pinal na desisyon kung sa kustodiya ng PNP ilalagay si Teves. Patuloy ang paghihintay ng Pilipinas sa pormal na hakbang ng Timor-Leste habang nananatili si Teves sa kanilang kustodiya.
More Stories
PBA Season 49: Ginebra vs Meralco, TNT vs NorthPort—Laban para sa Quarterfinals
TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE
Gen. Torre bagong PNP chief; CHED at OSG may kapalit na rin