September 19, 2024

GLYDEL MERCADO, ‘DI ININDA MGA EKSENANG BABARAN SA TUBIG PARA SA EPISODE NG ‘WISH KO LANG’ NA MAY TITLE NA ‘INANOD’

NGAYON lang naka-encounter si Ms. Glydel Mercado, na sa bawat eksena ay talagang babaran sa tubig. Pero kaya naman niya, ang hindi lang niya ma-take ay iyong sinapit ng pamilya na isa sa kanyang ginagampanan. ‘Inanod’ ang title ng episode para sa ‘Wish Ko Lang’ na ating mapapanood this coming September.

“Grabe iyong inabot ng pamilya, ang ginagampanan ko ay asawa ako ni Allen Dizon at biktima kami sa rumaragasang tubig ilog at inanod ang aming buong bahay. Mabuti na lang at nakaligtas kami, pero hindi pa doon nagtapos ang mga pagsubok, nagkahiwalay kaming buong pamilya na sa bandang huli ay nagkita-kita rin naman kami at nabuo sa tulong ng aking asawang si Allen Dizon .

“First time kong maranasan na, talagang nakalubog kami sa tubig nang matagal na oras. Damang-dama ko iyong hirap na inabot ng pamilya. Gusto naming kasing makatotohanan, para kapag napanood n gating mga televiewers ay magkaroon sila ng konting kaalaman kung ano ang gagawin kapag nasa ganuong kagipitan ka.

“Biruin mo nasa loob ang buong pamilya mo ng bahay ninyo, na biglang binaha at lumubog sa tubig ang loob ng bahay mo at inaanod na ito ng rumaragasang tubig. Kinilabutan at nalungkot ako sa sinapit nila, pasalamat na lang ako sa Dios kasi nakaligtas sa kanila. Kaya kapag napanood nila ang ‘Inanod’ handog ng ‘Wish Ko Lang’ ay magkakaroon sila ng idea kung papaano sila makakaligtas kapag sumapit ang ganuong sitwasyon sa kanilang buhay,” malungkot na pahayag ni Ms. Glydel Mercado.