November 23, 2024

GINTONG SUNGAY

Ika-2 Labas

Hindi na umimik si Segismundo. Ang ipinagtataka niya, anong sadya ng babae sa kanilang bahay.

Wa-wala ka nang babalikan, Segismundo. Mag-isa ka na lang. Kinuha ng malupit at marahas na digmaan ang iyong mga mahal sa buhay.

Napatingin ang lalaki sa magandang babae. Bukod sa napakaganda na ni Felicia, lalo pa itong gumanda sa suot na damit. Naalala niya ang kanyang asawa.

” A-ano pa ang hinihintay mo, Segismundo? Sumama ka na.”

Saka lang napansin ng lalaki na naroon pala sa labas ng kubo ang ilang kalalakihan. Mga tauhan ni Don Montejos. Kasama rin ng babae ang ilang alalay nitong mga kababaihan kasama si Adela, kababata niya.

Sumama ka na, Segismundo. Nais kang makausap ni Don Montejos. Balak niyang kunin kang tauhan sa asyenda,” singit ni Adela sa usapan.

Subalit, tumanggi ang lalaki.

Mananatili po ako rito sa aming kubo, senyorita. Marami akong alaala rito, lalo na ang matamis na suyuan namin ni Eloisa.”

Hindi kita pipiliting sumama sa ngayon, Segismundo. Pero, umaasa akong magbabago ang isip mo,” wika ni Felicia.

Naiwan sa kubo si Segismundo. Tanging gasera at bilog na buwan ang kanyang tanglaw nang gabing iyon. Habang nagmumuni-muni, nakuha niyang hithitin ang tabakong ginagamit ng kanyang Tata Pedring.

Hanggang sa maisipan niyang pumasok sa silid ng kanyang mga magulang. Napansin niyang may nakasabit na sungay sa dingding na sawali. Pakiwari niya, hindi naman sungay ng kalabaw.

” Anong klaseng sungay ito? Mabigat siya at kumikinang,” sambit niya.

Kinilatis niya ang kinuhang sungay. Hanggang sa may marinig siyang boses.

” Segismundo…”

Pamilyar sa kanya ang tinig.

” E-Eloisa… Eloisa…”

Galing sa likuran ng bakuran ng kubo ang tinig. Lumabas si Segismundo na hindi namamalayang tangan ang sungay na tumitimbang ng apat na kilo.

Laking gulat niya na nang makitang nakatayo sa isang malaking umbok ng bato ang asawa; habang pumapainlanlang ang usok na galing sa lupa.

” Eloisa… bu-buhay ka?” si Segismundo na tuwang-tuwa at nangingilid ang luha habang papalapit sa asawa. HInagkan niya si Eloisa. ITUTULOY