NAHULI sa akto na namimigay ng pera ang 51-anyos na ginang sa isinagawang “Operation Kontra-Bigay” ng pinagsanib na puwersa ng Commission on Election (Comelec) at pulisya Miyerkules ng umaga sa Navotas City.
Aabot sa kabuuang halagang P363,900.00 na nakalagay sa mga envelope na may lamang tig-P300.00 ang nakumpiska ng Comelec at pulisya sa naturang operasyon na isinagawa dakong alas-11 ng umaga sa isang bodega ng malaking kompanya ng sardinas sa Policarpio St. M. Naval St. Brgy. San Jose na pinangunahan nina election officer Atty. Greg Bonifacio at Navotas police chief P/Col. Mario Cortes.
Kasama rin sa isinagawang Operation Kontra-Bigay ang mga tauhan ng Northern Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Navotas Police Sub-Station-3, Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) at Station Intelligence Unit ng Navotas police.
Lumabas sa imbestigasyon na nakatanggap ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa maramihang pagtungo ng mga tao na aabot sa 200 sa bodega ng sardinas na pawang mga rehistradong botante ng Barangay Longos sa Malabon City na may kaugnayan sa nalalapit na halalang pam-barangay at Sangguniang Kabataan.
Depensa naman ng 51-anyos na ginang na residente ng Prosperidad St. Brgy. Tugatog, Malabon City, nagsasagawa lamang sila ng “training” o pagsasanay sa mga itatalagang watchers sa halalan upang magkaroon sila ng kaalaman sa wastong pagbabantay ng balota.
Hindi naman naipaliwanag sa ulat kung bakit kinakailangang mamahagi ng envelope na may lamang salapi ang ginang sa mga dumalo sa sinasabing pagsasanay sa mga watchers.
More Stories
DA NAGSAMPA NG KASO VS IMPORTER NG P20.8-M SMUGGLED NA SIBUYAS, CARROTS
Kampanya ng Filipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup natapos na
OCCIDENTAL MINDORO INUGA NG 5.5 MAGNITUDE NA LINDOL