NATIMBOG sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang 59-anyos na babae na tumangay sa dalawang Shih Tzu na aso sa bahay ng isang abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Valenzuela City.
Kinilala ni P/Lt. Armando De Lima, officer-in-charge ng Valenzuela Police Sub-Station 6 ang suspek na si Wilma Mendoza matapos madakip sa labas ng kanyang tirahan sa F. Lazaro St. Brgy. Canumay West makaraang makita sa close circuit television (CCTV) camera ang pagtakas niya, tangay ang dalawang mamahaling aso noong Linggo ng alas-4 ng hapon.
Batay sa ulat, nadiskubre lamang ni Atty. Rafael Pangilinan, 34, PAO Lawyer ng Valanzuela City ang pagkawala ng kanyang mga Shih Tzu nang dumating siya sa kanyang tirahan sa Blk. 2, Lot 2, Villa Flor Village, T. Santiago Street, Veinte Reales, matapos gampanan ang kanyang tungkulin.
Lunes na ng tanghali na-ireport ng abogado sa SS6 ang pagkawala ng mamahaling aso kaya’t kaagad inatasan ni Lt. De Lima si P/SMSgt. Roberto Santillan, kasama si Pat Melad at Pat Pagkaliwangan na magsagawa ng follow-up operation upang mahuli ang tumangay sa mga aso.
Sa tulong ng nakakabit na CCTV camera sa kapitbahay ni Atty. Pangilinan, natukoy ni Sgt. Santillan ang pagkakakilanlan sa suspek na nagresulta sa kanyang pagkakadakip at pagkakabawi sa dalawang mamahaling Shi Tzu na kanyang tinangay.
Nahaharap ngayon sa kasong pagnanakaw ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office na isinampa laban sa kanya.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA