November 5, 2024

Ginagamit para apihin ang mamamayan… NTF-ELCAC  I-ABOLISH– UN RAPPORTEUR

Suportado ng mga miyembro ng Makabayan bloc ang rekomendasyon ni United Nations (UN) Special Rapporteur Irene Khan na buwagin na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Wini-welcome namin ang recommendation na i-abolish ang [NTF-ELCAC] dahil matagal na itong panawagan ng mga kababaihan maging ng iba pang sektor ng lipunan,” ayon kay Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas.

Binuo ang NTF-ELCAC sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 70 noong panahon ng administrsayon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,  bagay na layong tapusin ang armadong paglaban ng New People’s Army (NPA), ang sandatahan ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Una nang idinulog ni Khan ang isyu ng red-tagging sa Department of Justice, o ang praktika ng bara-barang pag-uugnay sa mga personalidad o grupo sa CPP-NPA-NDFP.

Matagal nang inirereklamo ng human rights groups ang NTF-ELCAC sa red-tagging nito, bagay na nagresulta na aniya sa mga kidnapping, pagkakakulong, at pagpatay kahit sa mga ligal na aktibista at kritiko ng gobyerno.

“Mula simula, walang nagawa ang notorious task force kundi na ituring ang mga kritikal at aktibong mga kabataan at maging daluyan ng korapsyon ng mga heneral,” wika ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.

Umaasa naman si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na pakikinggan ng administrasyong Marcos ang rekomendasyon ni Khan.

“Basically pagre-revoke na ito sa EO No. 70 ni former President Duterte, sana makinig si President Marcos dito na talagang buwagin na ang NTF-ELCAC,” giit ni Castro.

Nakipagkita ang tatlong mambabatas, na miyembro ng grupong Makabayan, kay Khan noong Huwebes. Isinumite nila ang mga report kaugnay umano sa state-backed violence at pag-atake sa malayang pamamahayag at opinyon.

“Sinusuportahan natin ang sinasabi ni UN Special Rapporteur Irene Khan dahil sa kaniyang pagkausap, sa lahat ng mga nakausap niya dito sa Pilipinas, lumalabas na ito talaga ang main issues na nakita niya at narinig niya,” saad ni Brosas.