November 23, 2024

GILAS PILIPINAS NANATILING MATIKAS SA FIBA ASIA CUP QUALIFIERS

Inilampaso ng Gilas Pilipinas ang Indonesia sa iskor na 76-51 sa pagpapatuloy ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa Angeles University Foundation (AUF) Gym sa Clark.

Mistulang nagpakondisyon muna sa loob ng 20 minutos ng first half ang mga Pinoy youngsters bago ipinakita ang walang patawad na opensa.

Sa ngayon, nananatiling walang talo ang Pilipinas sa Group A na may 5-0 kartada at tiyak na ang pag-usad sa prestihiyosong torneyo sa Agosto na gaganapin sa Indonesia.

Kabilang sa nanguna sa Gilas ay ang starting guard na si Dwight Ramos na nagpakita ng kanyang all-around game gamit ang 10 points, 12 rebounds, three steals at isang assist.

Gayundin si Justine Baltazar na tinanghal na best player of the game na nagpasok ng 11 points at nine rebounds na tumulong upang tuluyang umarangkada ang national squad sa third quarter at hindi na lumingon pa.

Ang twin tower ng Pilipinas na sina Ange Kouame ay nag-ambag ng 11 points at five rebounds at ang 7-foot-3 na si Kai Sotto ay nagtapos ng seven points at seven rebounds kasama na ang two-handed slam.

Samantala, agaw pansin naman ang debut ni Francis “LeBron” Lopez sa Gilas na isa sa pinakabata na naglaro sa senior’s game sa edad na 18-anyos.

Nagpakitang gilas siya ng eight points, four rebounds, isang assist at one steal.

Sa Linggo ay magkakaroon ng rematch ang Pilipinas sa mahigpit na karibal na Korea.