September 16, 2024

Gigil na gigil sa mga Duterte

Nagtataka tayo kung bakit mukhang full-force at full-effort ang ilang grupo sa ilalim ng Marcos administration na ‘ilugmok’ ang pamilya Duterte.

Bakit sina Digong at Sara ang pinagkakaabalang sugpuin, hindi ang kahirapan, katiwalian sa loob ng pamahalaan, at iba pang makakabuti sa ating bansa.

Nagtataka rin tayo kung bakit nagtatagumpay ang mga ‘urot’ sa Marcos administration na lagyan sila ng ‘tapa de ojo’ para patulan niya ang sulsol-urot kontra pamilya Duterte gayong marami pang mas mabibigat na suliranin ang bansa.

Ang masaklap pa niyan, baka ‘yang mga sulsol-urot na ‘yan ay sila ‘yung mga dating ‘himod-sipsip’ sa mga Duterte.

‘Yun bang kulang na lang ay ipagawa ng rebulto sina VP Sara  at Digong noon sa kapupuri araw-araw. Kaya ang tanong lang natin simpleng-simple, kapag napabagsak ba nila ang mga Duterte ay masoso­lusyonan na ang inflation? Mawawala na ba ang kahirapan at maglala­hong kusa ang mga magnanakaw sa gobyerno?!

Kapag napabagsak ba ang pamilya Duterte ay mamamatay na ang ‘industriya’ ng ilegal na droga sa bansa?! Matitigil na ba ang smuggling at hoarding ng bigas?

Makukulong na rin ba ang mga awtoridad na sangkot sa illegal na droga?!

Babalik na ba sa dati ang presyo bigas?!

Makikinabang ba nang husto sa buwis ng taxpayers ang sambayanan? Bababa ba ang presyo ng petrolyo?

Magiging libre na ba nang tuluyan ang pag-aaral sa kolehiyo? Mababawasan na ba ang mga guro na nag-a-abroad?!

Titigilan na ba ng China ang panghaharas sa Pilipinas sa West Philippine Sea?

Ilan lang ‘yan sa simpleng tanong na alam natin na tinatanong din ng mamamayan.

Ngayon, sa patuloy na panggigil ng mga urot sa Marcos administration sa pamilya Duterte, tatahimik na ba ang ating bansa?!

Sa tingin ninyo?