
Sa gitna ng patuloy na pag-uga sa hanay ng gobyerno, inanunsyo ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Huwebes ng hapon ang ikalawang bugso ng balasahan sa mga matataas na opisyal ng administrasyong Marcos — patunay ng mas malalim na repormang inaasahan matapos ang midterm elections.
Isa sa pinakainaabangang pagbabago ay ang pagtatalaga kay Police Major General Nicolas Torre bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), kapalit ni Police General Rommel Francisco Marbil na nakatakdang magretiro sa Hunyo 7. Si Torre, kasalukuyang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay may ranggong dalawang bituin lamang, ngunit pinili pa rin para sa pinakamataas na posisyon sa pambansang pulisya.
Nang tanungin kung bakit si Torre ang napili sa kabila ng mas mababang ranggo, tumangging magbigay ng detalye si Bersamin: “Confidential po ang mga kadahilanan.”
Si Marbil ay unang inaasahang magreretiro noong Pebrero ngunit pinanatili sa serbisyo upang siguruhin ang kaayusan sa 2025 midterm elections. Pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamumuno nito, binanggit na bumaba ng 23% ang krimen sa Metro Manila mula 15,156 insidente noong 2024 tungo sa 11,493 ngayong taon (mula Enero 1 hanggang Mayo 16), batay sa datos ng PNP.
Inilarawan naman si Torre bilang tagasuporta ng internal cleansing program ni Marbil, iginiit niyang kailangang pairalin ang disiplina at pananagutan: “Walang sinuman ang dapat na exempted sa oversight. Disiplina ang pundasyon ng matatag na organisasyon.”
Bukod sa PNP, tatlong iba pang matataas na posisyon sa pamahalaan ang may bagong uupo:
Sa Commission on Higher Education (CHED), papalitan ni Shirley Agrupis si Chair Prospero De Vera III. Si Agrupis ay dating pangulo ng Mariano Marcos State University at itinalagang CHED commissioner noong Setyembre 2024.
Sa Office of the Solicitor General (OSG), kinumpirma ni Bersamin ang pagbibitiw ni Menardo Guevarra. Papalitan siya ni Darlene Marie Berberabe, dating pinuno ng Pag-IBIG Fund sa ilalim ng administrasyong Aquino at kasalukuyang dekana ng UP College of Law.
Samantala, mananatili sa puwesto ang tatlong miyembro ng gabinete matapos tanggihan ni Pangulong Marcos ang kanilang courtesy resignations: DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, DILG Secretary Jonvic Remulla, at Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr.
Binigyang-diin ni Bersamin na hindi lamang sa itaas nakatuon ang reporma:
“The President has been clear from the beginning — we are not just looking at the top levels. We are going deeper into the agencies, into the systems, and into the quality of public service delivered on the ground.”
Asahan pa ang mga susunod na hakbang ng Malacañang habang tinatapos ang mas malawakang reporma sa burukrasya.
More Stories
PBA Season 49: Ginebra vs Meralco, TNT vs NorthPort—Laban para sa Quarterfinals
TEVES, BALIK PILIPINAS! BALO NI DEGAMO NAGPASALAMAT KAY PBBM AT SA TIMOR-LESTE
2 holdaper ng Indian national, arestado sa Malabon