
Uupo na ngayong Hunyo 23, 2025, si Police Brigadier General Rogelio “Pojie” Peñones bilang bagong Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3). Papalit siya kay PBGen Jean Fajardo na inilipat bilang Chief of Comptroller sa Camp Crame.
Kinumpirma mismo ni Peñones ang balita sa isang text message: “Yes, I will assume Monday as RD for Central Luzon.”
Niliwanag din niyang hindi siya ililipat sa Region 6 gaya ng unang kumalat na tsismis.
Hindi basta-basta ang opisyal na ito—maka-Diyos, mapagkumbaba, at may malawak na karanasan sa serbisyo. PNPA graduate si Peñones at dati na ring naging hepe ng Zambales Provincial Police Office, Director ng Northern Police District, at Deputy Regional Director ng NCRPO.
Hindi lang sa baril magaling si Pojie—mahilig din mag-post ng Bible verses sa Facebook gamit ang kanyang account na “Pojie Peñones Jr.”
Pero hindi lang yan ang kwento ng bagong RD. Matinding pagsubok ang hinarap niya noon nang siya’y maging target ng international gun smuggling syndicate na pinamumunuan ng kilabot na si Paul Calder-Le Roux, isang South African na naging big-time crime boss sa Pilipinas.
Dahil sa mga imbestigasyon ni Peñones at mga artikulo ng batikang mamamahayag na si Mar T. Supnad, iniutos ni Le Roux na patayin ang dalawa. Pero sa tulong ng intel ops, nahuli ang hitman na si Baricuatro sa Makati—at umaming sila nga ang target.
Laman ang istorya ng librong “The Mastermind” ng American journalist na si Evan Ratliff, kung saan isiniwalat kung paanong ginamit ni Le Roux ang Pilipinas bilang pugad ng illegal na armas at droga.
Ngayon, dala ni Gen. Peñones ang kanyang tapang, karanasan, at pananampalataya bilang bagong pinuno ng pulisya sa Central Luzon. Inaasahan ng publiko ang mas mahigpit na kampanya kontra krimen at mas disiplinadong hanay ng kapulisan sa rehiyon.
‘Walang sindikato o masamang loob na makakalusot kay Pojie!’ – yan ang usap-usapan sa Camp Olivas.
Abangan ang galaw ng bagong RD ng PRO3!
More Stories
VLOGGER NA HUMIGA SA LOOB NG FREEZER SASAMPOLAN NG ALFAMART
26 OFW sa Israel naghahanda nang bumalik sa ‘Pinas
Mindoro Tamaraws, Nagwagi Laban sa Muntinlupa Cagers; Rizal Tinalo ang Imus