
MANILA — Habang nalalapit na ang pagsisimula ng dalawang taong rehabilitasyon ng EDSA, nanawagan si Transportation Secretary Vince Dizon sa mga tagapamahala ng mga pribadong subdivision at kampo militar na payagan ang mga motorista na dumaan sa kanilang mga pasilidad upang makatulong sa inaasahang matinding trapik.
“I think our private subdivisions have to understand that public good always prevails over private rights,” pahayag ni Dizon sa isang briefing sa Malacañang nitong Biyernes.
Ayon sa kanya, pinag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mungkahi ni urban planner Felino “Jun” Palafox Jr. na buksan ang mga daanan sa loob ng mga gated communities at kampo militar bilang alternatibong ruta sa panahon ng konstruksiyon.
Bagama’t hindi pinangalanan, kabilang umano sa mga apektadong lugar ang malalaking subdivision sa Makati at ang Camp Aguinaldo at Camp Crame sa Quezon City.
Iminungkahi rin ni Palafox na unahin muna ang pagtatayo ng pedestrian at bicycle bridges bago simulan ang pagsasaayos ng EDSA. Sinang-ayunan ito ni Dizon, at sinabing mahalaga ang ganitong mga imprastraktura para sa publiko. “The government should push for that because that is public good,” aniya.
Nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas, labor groups, at transport organizations sa epekto ng proyekto sa daloy ng trapiko at kabuhayan ng mga manggagawa. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 437,000 na sasakyan kada araw ang dumaraan sa EDSA — higit doble ng orihinal na kapasidad nito na 250,000.
Tiniyak ni Dizon na may mga hakbang na ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensiya para maibsan ang abala sa publiko. Kabilang dito ang pagpapahusay sa operasyon ng mga tren at pagdagdag ng mga bus sa EDSA Busway.
Ayon kay Dizon, mas mabilis na ang pagsakay sa MRT-3. “Dati, inaabot ako ng halos 30 minuto para makasakay. Pero ngayon, 5 to 7 minutes na lang. Malaking pagbabago ito para sa mga araw-araw na sumasakay ng tren,” ani Dizon.
Bilang bahagi ng ayuda sa mga manggagawa, nadagdagan na ng 50 ang bilang ng mga pampasaherong bus noong nakaraang buwan, at inaasahang mahigit 100 pa ang idaragdag sa mga susunod na linggo. “Ito ay partikular na para sa mga manggagawa,” aniya.
Pinabulaanan din ni Dizon ang alegasyon na huli na ang gobyerno sa pagtugon sa epekto ng proyekto sa mga manggagawa. Aniya, inatasan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr na unahin ang kapakanan ng mga empleyado.
Samantala, nanawagan si Sen. Joel Villanueva sa gobyerno at mga pribadong kumpanya na ipatupad ang Telecommuting Act (Republic Act No. 11165) upang maiwasan ang matinding epekto ng trapiko sa mga empleyado.
“Napapanahon na para isulong ang work-from-home setup gamit ang tamang teknolohiya. Masyado nang nasasayang ang oras ng ating mga manggagawa sa biyahe papasok ng opisina,” ani Villanueva, pangunahing may-akda ng batas.
Ang Telecommuting Act ay nagbibigay pahintulot sa mga pribadong kumpanya na magpatupad ng remote work arrangements, basta’t nasusunod ang mga itinakdang labor standards sa sahod, oras ng trabaho, at benepisyo.
Sa pagpasok ng EDSA Rebuild Project, nakatutok ngayon ang gobyerno hindi lang sa konstruksiyon kundi pati sa pagpapanatili ng mobility at kapakanan ng mga mamamayan sa gitna ng inaasahang sakripisyo.
More Stories
Patay na ba ang Fourth Estate?
QC bukas na muli sa mga bagong iskolar para sa SY 2025–2026
Mga senador, suportado ang pagsuspinde ni PBBM sa EDSA rehab