January 25, 2025

GATCHALIAN: SKILLS NG MGA PINOY, KULELAT

Matapos lumabas ang isang ulat na nagpapakitang nahuhuli ang Pilipinas sa East at Southeast Asia pagdating sa skills, iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan sa mga repormang magsusulong sa competitiveness ng mga Pilipino.

Sa 100 na bansa, Pilipinas ang pang-99 sa 2023 Global Skills Report ng online learning platform na Coursera. Sinusuri ng naturang pag-aaral ang skills at proficiency ng mga mag-aaral pagdating sa business, technology, at data science. Dating pang 70 ang ranggo ng Pilipinas sa 102 bansang saklaw ng parehong ulat noong 2022.

Lumabas din sa naturang ulat ang patuloy na pagbaba ng proficiency ng mga mag-aaral sa business, technology, at data science. Bumaba sa 16% mula 62% ang business proficiency percentile rank ng bansa. Mula 29% noong nakaraang taon, bumaba sa 5% ang technology proficiency ng bansa at bumaba rin sa 1% mula 21% sa data science proficiency.

Gumamit ang ulat ng skills insights para sa 100 bansa mula sa 124 milyong mag-aaral na gumagamit ng Coursera, 1.8 milyon rito ang mula sa Pilipinas. Nilinaw ng ulat na ang datos na nakalap nito ay nagmula sa mga rehistradong gumagamit ng Coursera at hindi representasyon ng populasyon ng isang bansa. Gayunpaman, oportunidad ang pagbabahagi ng mga datos at resulta ng pag-aaral upang makakuha ng bagong impormasyong makakadagdag sa mga tradisyonal na pinagmumulan ng datos tungkol sa edukasyon.

Sa kabila ng ginagawang pagrepaso ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa performance ng sektor ng edukasyon, binigyang diin ni Gatchalian na kailangang iangat ng mga isasagawang reporma ang kakayahan ng mga Pilipino pagdating sa mga aspetong saklaw ng ulat ng Coursera, lalo na’t patuloy ang paggamit ng mga kumpanya ng makabagong mga teknolohiya.

Habang responsibilidad ng mga higher education institutions ang paglinang sa kakayahan ng mga mag-aaral para sa trabaho, iginiit din ni Gatchalian ang mahalagang papel ng senior high school program upang maging handa sa trabaho ang mga graduates nito. Sa ilalim ng Senate Bill No. 2022, na inihain ni Gatchalian, isinusulong ni Gatchalian ang paglikha ng National at Local Batang Magaling Council upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), local government units, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya.

“Sa pagsulong at pagpapatupad natin ng mga reporma sa edukasyon, dapat tiyakin nating hindi mapag-iiwanan ang ating mga kabataang Pilipino pagdating sa kahandaan sa trabaho at sa paggamit ng mga bagong teknolohiya. Tungkulin nating siguruhin na akma ang kanilang mga kakayahan sa kinakailangan ng ating mga industriya,” ani Gatchalian.