December 21, 2024

Gatchalian sa taxpayers: Maghain ng income tax return bago ang deadline

Dahil sa papalapit na deadline para sa paghahain ng income tax returns, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang mga taxpayer na gampanan ang kanilang obligasyon sa lalong madaling panahon.

“Bilang mga responsableng mamamayan ng bansa, ang mga taxpayer ay may obligasyon na magbayad ng tamang buwis. Ang kita ng gobyerno mula sa buwis ay nagbibigay-daan sa pagpapatupad ng iba’t ibang mga programa at proyekto na kinakailangan tungo sa paglago ng ekonomiya,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Ways and Means.

Target ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na kumolekta ng ?2.599 trilyon ngayong taon, mas malaki kumpara sa aktwal na koleksyon na ?2.3 trilyon noong nakaraang taon.

“Wala nang dahilan pa ang mga taxpayers na hindi makapag-file ng kanilang income tax return bago o pagdating ng mismong deadline lalo na’t maaari silang pumunta saanmang branch ng BIR o bangkong otorisado ng BIR,” dagdag niya.

Sa bisa ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 32-2023, ang mga taxpayer ay maaari na ngayong maghain ng kanilang 2022 Annual Income Tax Return (AITR) bago o sa mismong araw ng deadline na Abril 17 at magbayad ng kaukulang buwis kahit saan o saan mang BIR-authorized banks o revenue collection officers at BIR district offices bukod sa branch kung saan nakarehistro ang taxpayer.

Nanawagan din si Gatchalian sa BIR na pabilisin ang programa nitong digitalization para mas maging madali sa mga taxpayer na magbayad ng kanilang obligasyon.

Nauna nang naghain si Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mga nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila sa kanilang mga pangunahing karapatan at obligasyon, na inaasahan niyang magpapahusay sa BIR ng pangongolekta ng buwis.

Sa ilalim ng Senate Bill 1199, o ang Taxpayers Bill of Rights and Obligations (TBORO), hinahangad ng senador ang paglikha ng Office of the Taxpayer Advocate na naglalayong matiyak na napapangalagaan ang mga karapatan ng taxpayers.

Ayon kay Gatchalian, kabilang sa mga pangunahing karapatan ng mga taxpayer na nakasaad sa panukalang batas ang karapatang makilahok sa mga dayalogo na may kinalaman sa pagbabayad ng buwis at mga information education campaign ng revenue authorities.