January 2, 2025

Gatchalian: Pondo para sa ALS at learners with disabilities tiniyak sa 2025 budget

Sinisiguro ng 2025 national budget ang patuloy na suporta para sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga mag-aaral na may kapansanan o learners with disabilities, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sa ilalim ng kalalagda lang na General Appropriations Act, P634.083 milyon ang nilaan sa pondo ng Flexible Learning Options upang suportahan ang pagpapatupad ng mga programa ng ALS. Saklaw ng naturang alokasyon ang ALS learning resources, pati na rin ang transportation at teaching allowance ng mga ALS teachers at Community ALS Implementers na katuwang ng Department of Education (DepEd). Unang nagpanukala si Gatchalian ng P623.5 milyong pondo para sa ALS.

Sa ilalim ng Alternative Learning System Act, kung saan si Gatchalian ang may akda, ginawang institutionalized ang ALS, pinatatag ito, at pinalawak upang bigyan ng pangalawang pagkakataong makapag-aral ang mga out-of-school children in special cases at mga nakakatandang mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples.

Naglaan naman ng P100 milyon sa ilalim ng Textbooks and Other Instructional Materials para sa mga mag-aaral na may kapansanan na naka-enroll sa pormal na sistema at sa ALS. Saklaw ng pondong ito ang iba’t ibang mga platapormang ginagamit sa pagtuturo kagaya ng electronic at online modes. Saklaw din ng naturang pondo ang mga personal safety lessons para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Ayon kay Gatchalian, ang paglalaan ng pondo para sa mga learning resources ng mga mag-aaral na may kapansanan ay alinsunod sa pagpapatupad ng  Republic Act No. 11650 o ang ‘Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act,’ isang batas na siya rin ang may akda at nag sponsor.

Pinagtitibay ng naturang batas ang policy of inclusion sa lahat ng mga pribado at pampublikong paaralan sa bansa. Dito, may mandato ang lahat ng mga paaralan na tiyaking bawat mag-aaral na may kapansanan ay hindi mapagkakaitan ng dekalidad na edukasyon dahil lang sa kanilang kondisyon.

“Tiniyak natin na sa ilalim ng 2025 national budget, hindi mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral at guro sa ALS, pati na rin ang mga mag-aaral na may kapansanan. Mahalaga ang mga programang nagtataguyod ng kanilang kapakanan at nagbibigay ng oportunidad para sa abot-kaya at dekalidad na edukasyon, kaya naman sinigurado natin na may sapat na pondong nakalaan para sa pagpapatupad ng mga programang ito,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.