Pinapurihan ni Senador Win Gatchalian ang paglagda sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028), isang batas na magpapaigting sa pagsugpo ng krisis sa edukasyon sa bansa.
Itatatag sa ilalim ng bagong batas ang ARAL Program na magbibigay ng national learning interventions na nakaangkla sa mga sumusunod na pamantayan: mga sistematikong tutorial sessions, maayos na intervention plans at learning resources na binuo ng mga curriculum experts at reading specialists at naaayon sa learner-centered approach, epektibo at angkop na mga paraan ng pagtuturo para sa mga tutors at mag-aaral, at iba pa.
Layon ng batas na matulungan ang mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 10 mula sa mga pampublikong paaralan na bumalik o babalik sa paaralan matapos mahinto sa pag-aaral; iyong mga hindi umaabot sa minimum proficiency levels na kinakailangan sa reading, mathematics, at science; at mga hindi pumapasa sa mga test sa loob ng school year.
Sasaklawin ng ARAL Program ang essential learning competencies sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum at tututukan ang reading at mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Bibigyang prayoridad ang reading at mathematics upang linangin ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.
Tututukan din ng ARAL program ang pagpapatatag ng foundational skills ng mga mag-aaral sa Kindergarten, lalo na ng kanilang literacy at numeracy competencies.
Maaari namang maging tutors sa ilalim ng ARAL Program ang mga guro, para-teachers, at pre-service teachers. Mabibigyan ng dagdag umento ang mga guro na magsisilbi bilang tutors alinsunod sa mga angkop na probisyon ng Magna Carta for Public School Teachers at sa mga pamantayan ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM). Ayon din sa mga guidelines ng DBM, ipagkakaloob ang karagdagang bayad sa mga guro kung nagampanan na nila ang kanilang tungkuling magturo sa loob ng classroom sa loob ng anim na oras. Ang dagdag na bayad sa mga guro ay hindi naman lalagpas sa halagang katumbas na bayad sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate.
Ang mga para-teachers na magsisilbing mga tutor ay babayaran mula sa pondo ng DepEd o sa Special Education Fund (SEF) ng local school board. Nakasaad din sa batas na ituturing na relevant teaching experience ang pagiging tutor ng mga pre-service teachers sa pag-aapply nila sa mga plantilla positions sa DepEd.
More Stories
DOF: RECTO NAKAKUHA NG STRONG AI INVESTMENT INTEREST SA WEF
COMELEC IPINAGPATULOY PAG-IMPRENTA SA MGA BALOTA (Matapos ang ilang ulit na pagkaantala)
MPD, MAGPAPATUPAD NG ‘ROAD CLOSURES’ PARA SA PAGDIRIWANG NG CHINESE NEW YEAR