April 29, 2025

Gatchalian: Pakikilahok ng LGUs, Susi sa Pag-angat ng Literacy sa Bansa

Binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa laban kontra illiteracy sa bansa, kasunod ng inilabas na 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS).

Ayon sa survey, pito sa bawat 10 Pilipinong may edad 10 hanggang 64 ang itinuturing na functionally literate, o may kakayahang bumasa, magsulat, mag-compute, at umunawa. Sa mga kabataang edad lima hanggang 18, naitala naman ang 69.2% functional literacy rate.

Para kay Gatchalian, mahalagang matutukan ang literacy at numeracy skills ng mga bata pagsapit ng Grade 3.

“Ang kakayahang magbasa at magbilang ay mga pundasyong kinakailangan ng ating mga mag-aaral at mahalaga ang pakikilahok ng mga komunidad at lokal na pamahalaan para matugunan ito,” pahayag ng senador, na siyang Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Inihayag rin ni Gatchalian na tatalakayin ang resulta ng FLEMMS sa isang pagdinig sa Senado sa darating na Abril 30. Kaugnay nito, isinusulong ng senador ang pagpasa ng National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473), na layong gawing katuwang ang mga LGU sa pagpapalakas ng literacy programs. Sa ilalim ng panukala, ang mga local school boards ang magsisilbing de facto local literacy councils sa mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad.