Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pag-amyenda sa Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 (Republic Act No. 4784) upang iangat ang kalidad ng pagtuturo at tiyaking nakakasabay ang sistema ng edukasyon sa modernisasyon at mga pagbabago sa teknolohiya.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2840, kung saan iminumungkahi niya ang mga alternative pathways o alternatibong paraan upang maging rehistrado ang isang propesyonal na guro. Sa ilalim ng naturang panukala, maaaring kumuha ang isang aplikante ng licensure examination o magsumite ng portfolio na nagpapakitang taglay niya ang mga professional teaching standards. Layon ng pathways na ito na palawakin ang bilang ng mga kwalipikado at may sapat na kasanayang guro lalo na sa larangan na kung saan ay kinakailangan ang specialized knowledge at expertise.
“Layon nating lumikha ng mga kwalipikado at mga propesyonal na guro na papasok sa ating sistema ng edukasyon. Kung meron tayong mga mahuhusay at mga kwalipikadong guro, nais din nating makitang maging mas mahusay ang ating mga mag-aaral. Sa bandang huli, ginagawa natin ito para sa ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
“Layon din natin sa pag-amyenda ng batas na tumugon sa mga bagong teknolohiya at inobasyon sa pagtuturo. Nagbabago ang pagtuturo, ang pedagogy, pati na rin ang sistema, at mga pamamaraan. Kailangang patuloy nating suriin ang mga batas sa iba’t ibang propesyon kagaya ng pagtuturo at tignan kung angkop pa ba sila sa panahon natin,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.
Kinakailangang kumuha at pumasa ng licensure examination ang mga nais maging guro. Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, maaaring magsumite sa Professional Regulation Commission (PRC) ng portfolio na nagpapakita ng pagkamit ng professional standards, kung ang graduate ay nagmula sa isang accredited teacher education center of excellence na may passing rate na hindi bababa sa 80%.
Ang Komisyon ang magtatalaga ng criteria ng professional standards para sa mga guro, at magtatakda kung paano ito maaaring ipakita sa mga isinumiteng portfolio. Ito ay para matiyak na mga kwalipikado at mahuhusay na aplikante lamang ang mabibigyan ng certificate of registration at lisensya para makapagturo.
May probisyon din sa naturang panukalang batas na nagsasaad kung saan pahihintulutan ang pagpaparehistro ng hindi dumadaan sa examination. Ang aplikanteng nagturo ng may sampung taon bago maisabatas ang naturang panukala ay magsusumite ng teaching experience portfolio na gagamitin para sa evaluation ng lubusang kaalaman at expertise na kahalintulad ng professional standards. Sa loob ng tatlong taong pagsasabatas ng panukala, kailangang magsumite ang mga aplikante ng kanilang aplikasyon para magkaroon ng certificate of registration at professional identification card.
More Stories
KRIMEN SA METRO MANILA BUMABA
FILIPINO LAWYER DADALO SA INAGURASYON NI TRUMP
60-ANYOS PINUGUTAN NG ANAK; LAMAN-LOOB TINANGGAL