January 23, 2025

Gatchalian: Mga out-of-school children at youth ibalik sa mga paaralan

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na magpatupad ng agresibong back-to-school campaign upang ibalik sa paaralan ang halos 11 milyong out-of-school children and youth (OSCY).

Kasunod ito ng lumabas na ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan lumabas na 10.7 milyong mga kabataang may edad na lima hanggang 24 ang maituturing na OSCY o hindi bahagi ng pormal na sistema ng edukasyon.

Ayon pa sa PSA, 68.5% ng 10.7 milyong OSCY ang 20 hanggang 24 taong gulang, 15.6% ang nasa 15 hanggang 19 taong gulang, 12.3% ang 5 hanggang 9 taong gulang, at 3.7% ang 10 hanggang 14 taong gulang. Ayon kay Gatchalian, maaari silang mag-enroll sa Alternative Learning System (ALS) na nagbibigay ng alternatibong paraan para makapag-aral at makapagtapos.

Si Gatchalian ang may akda ng Alternative Learning System Act (Republic Act No. 11510) na ginawang institutionalized ang ALS. Sa ilalim ng naturang batas, magkakaroon ang mga out-of-school children in special cases at nakatatandang mga mag-aaral ng pangalawang pagkakataong makatanggap ng edukasyon.

Binigyang diin naman ni Gatchalian na maliban sa mga out-of-school children in special cases, ang mga batang nasa wastong edad ng pag-aaral ay dapat nang ibalik sa pormal na sistema ng edukasyon. Kabilang sa mga maituturing na out-of-school children in special cases ang mga mag-aaral na may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga mag-aaral na naipit sa sakuna, at iba pang mga marginalized sectors.

“Mahalagang tiyakin nating maaabot natin ang ating mga kabataang wala sa mga paaralan upang mabigyan sila ng pagkakataong makatanggap ng edukasyon. Para sa ating mga nakatatandang mga mag-aaral at sa mga out-of-school children in special cases, maaari silang mag-enroll sa ALS upang hindi mapag-iwanan pagdating sa pagkakataong makapagtapos at magkaroon ng magandang kinabukasan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.