November 23, 2024

Gatchalian: Kapakanan ng mga bata, dapat din isaalang-alang sa panahon ng kalamidad

Hinikayat na rin ni Sen. Win Gatchalian ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga local government units (LGUs) na tiyakin na tuloy-tuloy ang ginagawa relief efforts ng mga ito para sa mga indibidwal na naapektuhan ng bagyong Ulysses.

Kasama na rin dito ang kapakanan at pangangailangan ng mga bata para makaiwas mula sa COVID-19.

Base kasi sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UN OCHA), aabot ng 724,000 na mga bata ang naapektuhan sa mga lugar na unang hinagupit ng bagyong Rolly.

Nagbabala na rin ang United Nationas Children’s Fund (UNICEF) na pinaka-apektado ang mga bata at kanilang pamilya sa banta ng COVID-19 infection at iba pang sakit dahil na rin sa dami ng tao sa mga evacuation centers.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na ginawa sa ilalim ng Republic Act No. 10821 o Children’s Emergency Relieg and Protection Act. Sa ilalim ng batas na ito, ang CEPC ay magsisilbing batayan sa pangangasiwa ng mga kalamidad at iba pang emergecy cituations upang protektahan at suportahan ang mga bata, maging ang mga buntis at lactating mothers.

Parte rin ng CEPC ang pagtatayo ng child-friendly spaces sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Kailangan ding makipagtulungan ng Department of Health (DOH) sa DSWD, LGUs at civil societ organizations (CSOs) na magbugay ng health, medical, at nutritional needs sa mga apektadong bata at kanilang mga pamilya.

Ayon pa kay Gatchalian, patuloy dapat ang ginagawang pagtutok sa pangangailangan at kaligtasan ng mga kabataan lalo na ‘yung mga nawalan ng tahanan dahil sa hagupit ng magkakasunod na bagyo.