January 24, 2025

GATCHALIAN IPINABUBUSISI ANG ‘ENERGY TRANSITION PLAN’ NG PAMAHALAAN

DAPAT busisiin ng Senado ang energy transition plan kasunod ng naging kautusan  noong nakaraang taon ng Department of Energy (DOE) na nagbabawal sa bagong coal power plants, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.

Naniniwala ang pamahalaan na ang naturang pagbabawal ay para bigyang daan ang pagtaguyod ng mas malinis na enerhiya.

Sa inihaing Senate Resolution No. 639, ipinunto ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagbabalangkas ng malinaw na plano sa isyu ng energy transition na kaakibat ng pangakong pagtupad ng bansa sa Paris Agreement na may layong pababain ang Greenhouse Gases Emissions (GHG).  Layon ng bansa na pababain ang GHG natin ng 70 porsiyento sa taong 2030.

“Hanggang kailan ang moratorium sa coal? Paano mapupunan ng ibang teknolohiya ang pangangailangan sa enerhiya ng bansa kung tuluyan nang maalis ang coal at paano natin masisiguro na hindi tataas ang presyo ng kuryente habang sinisiguro ang tuloy-tuloy na suplay?” tanong ni Gatchalian. Dagdag niya, hindi malinaw sa puntong ito kung ang coal moratorium ay bahagi ng mas malawakang plano para sa isang energy transition at kung mayroong kabuuang plano para isulong ang Renewable Energy (RE) at iba pang alternatibong mapagkukunan ng suplay ng enerhiya.

Base kasi sa datos, tumaas ang kabuuang GHG sa bansa sa 130 milyong tonelada ng CO2 equivalent o MtCO2e noong 2019 mula 123.3 MtCO2e noong 2018. Ang sektor ng power generator ang may pinakamalaking ambag ng GHG sa bansa na nakapagtala ng 53.2 porsyento at sumund naman ang sektor ng transportasyon na nakapagtala ng 27.3 porsyento.

Samantala, tumaas sa 54.59 porsiyento ang ambag ng coal sa power generation mix noong 2019 mula sa 26.6 porsiyento noong 2009. Bumaba naman ang ambag ng RE sa power generation mix. Mula 32.6 porsiyento noong 2009, bumaba ito sa 20.79 porsiyento noong 2019. 

“Pihadong win-win solution ang mamuhunan sa RE lalo na kung gusto nating isulong ang paglago ng ekonomiya ng bansa. Magkakaroon na tayo ng mas malinis na hangin sa mas murang halaga, makakapagbigay pa tayo ng trabaho kung makaakit tayo ng mas maraming mamumuhunan sa RE lalo na sa panahon na pandemya kung saan maraming nawalan ng trabaho,“ ani Gatchalian.

Sa pag-aaral ng American credit rating agency na Fitch Solutions, sinabi nitong patuloy na aasa sa paggamit ng coal ang Pilipinas  sa mga susunod na taon at maari pang umabot sa 59 porsyento ang kontribusyon nito sa energy mix ng bansa pagdating ng 2029.

“Kaya kinakailangan nating busisiin ang planong energy transition ng bansa o kung may kakulangan dito para makapagsulong tayo ng batas kung kinakailangan at masiguro ang pagkakaroon ng pantay-pantay, ligtas, at tuloy-tuloy na energy transition,” ani Gatchalian.