
Muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan ng isang panukalang batas na magbabawal sa mga hindi makatarungang paraan ng paniningil ng utang ng mga online lending companies, habang ipinahayag niya ang pagkabahala sa mga kaso ng pangha-harass na nararanasan ng maraming nangungutang mula sa mga ganitong kumpanya.
“Ang mga nagpapautang na ito, ginawa nga nilang mas madali para makautang ang mga tao. Pero isang araw lang na hindi makabayad, puro pananakot na ang ginagawa nila. Pinapahiya pa sa komunidad at minsan may pinapadalhan pa ng korona ng patay o bala,” ayon kay Gatchalian, batay sa maraming reklamo na natanggap ng kanyang opisina.
Nauna nang inihain ng senador ang Senate Bill No. 818 o ang Fair Debt Collection Practices Act, na nagbabawal sa sinumang maniningil ng utang na gumawa ng anumang kilos ng panliligalig o pang-aabuso sa isang may utang. Partikular na ipinagbabawal sa panukalang batas ang paggamit o pagbabanta ng karahasan, paggamit ng malaswa o bastos na salita, at pagbubunyag ng pangalan ng may utang.
“Karapatan din ng mga nagpapautang na maningil pero dapat nasa wasto at tamang pamamaraan. Dapat makatarungan at legal yung pangongolekta at hindi pananakot at pagbabanta sa buhay,” diin pa ni Gatchalian.
Hinimok din ng senador ang Securities and Exchange Commission (SEC) na magpatupad ng mas mahigpit na mga rekisito sa pagrerehistro ng mga online lending companies, lalo na’t ang minimum na kapital para sa mga lending companies ay Php 1 milyon lamang, kahit gaano pa karami ang kanilang mga online lending apps (OLAs). Sa kasalukuyan, mayroong 117 na lending at financing corporations at 181 OLAs na rehistrado sa SEC.
More Stories
No. 8 MOST WANTED SA PASIG, ARESTADO SA ISABELA!”
BITIN ANG BIDA! 2025 PBA All-STAR, KAKANSELAHIN NA
Scam Alert: DMW Binalaan ang OFWs sa Pekeng Pautang sa Facebook