February 11, 2025

Gatchalian hinimok ang pagbibigay ng mas magandang access para sa mga PWD sa pampublikong transportasyon

Nais ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng mas maayos na access ang mga taong may kapansanan (PWDs) sa sistema ng pampublikong transportasyon upang magamit nila ito nang aktibo sa kanilang mga komunidad at makapag-ambag nang makabuluhan sa lipunan.

Sa gitna ng pagpuna ni Gatchalian sa mga may hawak ng PWD IDs na kwestyonable ang pagkakakilanlan at inaabuso ang paggamit ng IDs na ito para sa personal nilang kapakinabangan, binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga ring tiyakin na natatanggap ng mismong mga PWDs ang mga benepisyong nakalaan talaga para sa kanila. Halimbawa na rito ang access sa transportasyon.

“Ang aking opisina ay madalas makatanggap ng mga reklamo mula sa mga PWDs na nahihirapan sa public transportation,” sabi ni Gatchalian. Ang mga PWDs, aniya, ay nahaharap sa iba’t ibang hamon at ang kakulangan sa imprastraktura ng sektor ng transportasyon ay lalo pang nagpapalala sa mga isyung ito at nagpapahirap sa mga PWDs na gumalaw.

“Madalas hindi raw sila nakakasakay ng MRT o LRT lalo na kung sira ang escalator o elevator na magdadala sa kanila papunta sa platform. Pati raw sa mga jeep, minsan hindi sila naisasakay dahil mabagal silang kumilos,” aniya.

Sabi pa ng chairman ng Senate Committee on Ways and Means, kailangang bumuo ng isang design standard o panuntunan ang Department of Transportation (DOTr) na magtitiyak ng mas madaling access sa transport system. Dapat din magpatupad ang mga Local Government Units (LGUs) ng mga polisiya upang gawing mas PWD-friendly ang kanilang mga lungsod, ayon sa mambabatas.

Halos 30 taon na mula noong ipinasa ang Magna Carta for Disabled Persons, o Republic Act 7277, noong 1992, pero hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin ang mga PWDs sa pag-access ng pampublikong transportasyon at iba pang pampublikong imprastraktura.

“Dapat ganap at epektibong ipinapatupad ang Magna Carta para sa mga PWDs, hindi lamang para sa kapakinabangan nila kundi pati na rin ng mga nakatatanda, mga magulang na may maliliit na anak, mga buntis, at iba pang indibidwal na may pisikal na hamon sa pag-access ng pampublikong sistema ng transportasyon,” sabi ni Gatchalian.

“Kung walang tamang access sa pampublikong transportasyon, mahihirapan ang mga PWDs na makakuha ng mga serbisyong pang-edukasyon, kalusugan, at iba pang mahahalagang serbisyo,” dagdag niya. Ayon sa National Council on Disability Affairs, ang kabuuang bilang ng mga rehistradong PWDs noong Enero 8 ng taong ito ay 1.9 milyon.