January 23, 2025

Gatchalian: Dagdag na P10k teaching allowance batas na

PINAPURIHAN ni Senador Win Gatchalian ang pagsasabatas ng ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ na magtataas sa teaching allowance ng mga public school teachers sa P10,000 mula P5,000.

Nakasaad sa bagong batas na matatanggap ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ang mas mataas na teaching allowance mula School Year 2025-2026. Maaaring gamitin ang teaching allowance para sa pagbili ng mga kagamitan at materyal sa pagtuturo, pangbayad sa mga dagdag gastusin, at sa pagpapatupad ng iba’t ibang paraan ng pag-aaral at pagtuturo.

“Nagpapasalamat ako sa Pangulo sa paglagda niya sa batas na magtataas sa teaching allowance ng ating mga public school teachers. Alam natin na madalas nag-aabono pa ang ating mga guro para sa mga binibili nilang kagamitan sa pagtuturo. Napapanahon nang itaas natin ang kanilang teaching allowance bilang tulong sa kanilang mga gastusin at sa pagtupad ng kanilang tungkulin,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education at isa sa mga may akda ng batas.

Matatandaang pumasa sa Senado noong 17th at 18th Congress ang mga panukalang itaas ang allowance ng mga guro para sa pagbili ng mga kagamitan sa pagtuturo. Ayon pa kay Gatchalian, titiyakin ng bagong batas na magiging bahagi na ng taunang budget ang teaching allowance. Noong mga nagdaang taon, naka-depende sa Kongreso kung makakatanggap ng teaching allowance ang mga guro.

Sabi pa ni Gatchalian, titiyakin niyang magkakaroon ng sapat na pondo para sa batas, kung saan nakasaad na hindi papatawan ng income tax ang teaching allowance.

Pinasalamatan ni Gatchalian si Sen. Bong Revilla, Jr., Chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na nag-sponsor sa naturang batas.