Kasunod ng paglagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, sinabi ni Senador Win Gatchalian na makakatanggap ng kaukulang umento o insentibo ang mga magsisilbing tutors sa ilalim ng programa.
Itinatag sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Republic Act No. 12028) ang ARAL Program, isang inisyatibong layong tugunan ang learning loss. Sa ilalim ng naturang batas, maaaring maging tutors ang mga guro, para-teachers, at pre-service teachers.
“Mahalaga ang pakikilahok ng ating mga guro, para-teachers, at mga pre-service teachers upang mapatupad natin ang ARAL Program na tutugon sa learning loss ng ating mga mag-aaral. Tiniyak nating makakatanggap sila ng omento o benepisyo bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa tagumpay ng ARAL Program,” ani Gatchalian, pangunahing may-akda at sponsor ng naturang batas.
Kumuha ang mga para-teachers ng Licensure Examination for Teachers (LET) ngunit hindi naging kwalipikado. Sa kabila nito, meron silang special permit mula sa Board for Professional Teachers, kung saan nakasaad ang lugar kung saan sila nakatalaga. Ang mga pre-service teachers naman ay mga mag-aaral na naka-enroll sa mga teacher education degree programs o kumukuha ng kursong may kinalaman sa edukasyon.
Sa ilalim ng batas, makakatanggap ng umento ang mga gurong nagsisilbing tutor alinsunod sa mga angkop na probisyon ng Republic Act No. 4670, o ang Magna Carta for Public School Teachers, at sa mga kasalukuyang pamantayan ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Budget and Management (DBM). Ngunit kailangan muna nilang tapusin ang mandatong anim na oras ng pagtuturo sa loob ng silid-aralan. Hindi rin lalagpas ang kanilang umento sa halagang para sa dalawang oras batay sa Prime Hourly Teaching Rate at alinsunod sa mga pamantayan ng DBM.
Ang mga para-teachers na magsisilbing ARAL tutor ay babayaran gamit ang pondo ng DepEd o ang Special Education Fund (SEF) ng mga Local School Boards. Ang mga serbisyo naman ng pre-service teachers na nagsisilbing ARAL tutors ay maituturing na isang mahalagang teaching experience kung mag-aaply para sa Plantilla position sa DepEd, alinsunod sa mga alituntunin o hiring guidelines ng ahensya at ng Merit Selection Plan ng Civil Service Commission (CSC).
More Stories
DMW SA MGA PINOY: MAG-INGAT SA ONLINE JOB OFFERS
Navotas Funbikers
Healthcare Waste Project isinusulong ang Zero Waste Practices sa mga ospital at pasilidad