January 23, 2025

Gatchalian: 4 lamang sa 10 graduate ng TESDA ang dumadaan sa assessment

Ikinadismaya ni Senador Win Gatchalian na hindi lahat ng nagtapos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay dumaan sa assessment. Halimbawa noong taong 2022, 64% lamang ng TESDA graduates ang dumaan sa assessment kaya sila lang din ang nabigyan ng national certifications.

Sa isinagawang pagdinig sa panukalang budget ng TESDA para sa taong 2024, pinuna ni Gatchalian na pababa nang pababa ang target ng ahensya para sa mga Technical Vocational and Education Training (TVET) graduates na dumaan ng assessment. Mula sa 70% na target noong 2023, 60% na lamang ang target ng ahensya para sa taong 2024.

“Magaganda ang mga kursong ito ngunit kailangan nila ng certification para tumaas ang tsansa nilang makapasok ng trabaho. Tiyak na pahahalagahan ng mga employers ang certification,” ani Gatchalian.

“Sa perpektong sitwasyon, 100% ang dadaan sa assessment na inaasahan nating papasa at makakakuha ng certification. Pero bakit umabot lang tayo sa 64% noong 2022, at bakit pababa nang pababa ang target natin?” tanong ni Gatchalian.

Ayon kay TESDA Deputy Director General Aniceto Bertiz III, walang training regulations ang mga kursong kinukuha ng mga mag-aaral na hindi dumadaan sa assessment at hindi nakakatanggap ng certification. Kabilang sa mga kursong ito ang creative web design at iba pang mga information and technology (ICT) courses, pati na rin ang mga language training courses.

“Hindi ba’t bago tayo magsanay ay kailangan natin ng training regulations, at hindi ba kailangan natin ng training regulations upang makapagsagawa ng assessment? Teknikal ang mga kursong ito at tingin ko, ang halaga ng mga ito ay nasa certification,” giit ni Gatchalian.

Ipinaliwanag naman ni TESDA Certification Office Executive Director Maria Susan Dela Rama na may mga programang rehistrado sa TESDA, may training regulations man sila o wala. Taglay ng mga programang may training regulations ang mga competency assessment tools. Wala namang training regulations ang ilang mga programa, kabilang ang mga enterprise-based at community-based programs.

Dagdag pa ng opisyal, maaaring mag-alok ang mga private providers ng mga kursong walang training regulations upang matugunan ang demand sa mga komunidad, mga probinsya, at mga rehiyon.

Bagama’t aminado ang ahensya na hirap itong masabayan ang demand at pagbuo ng mga training regulations, tinitiyak nito na may sapat na mga pasilidad, guro, equipment, at curriculum ang mga rehistradong programa upang matiyak na angkop ito sa mga pamantayan ng industriya.

Isinusulong naman ni Gatchalian ang certification ng mga senior high school graduates na kumuha ng technical-vocational-livelihood (TVL) upang tumaas ang tsansa nilang makahanap ng trabaho.

Isinusulong ng senador ang pagkakaroon ng P1 bilyong pondo sa ilalim ng 2024 national budget upang magkaroon ng certification ang humigit-kumulang 400,000 na mga mag-aaral.