Muling nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na ganap na ipatupad ang Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) system para mas mapadali para sa mga prospective investor na bumuo ng mga renewable energy (RE) projects.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng ulat ng World Wide Fund (WWF) na nagsasabing ang red tape ay patuloy na humahadlang sa pag-unlad ng RE industry sa bansa.
“Itinulak natin na ma-institutionalize ang EVOSS para mapabilis ang proseso ng pagpapahintulot ng mga generation projects na makakatulong para magkaroon ang bansa ng iba’t-ibang pagkukunan ng enerhiya at maisaayos ang suplay ng enerhiya ng bansa,” sabi ni Gatchalian, na kasalukuyang nagsisilbing vice chairperson ng Senate Committee on Energy.
Mula noong maging ganap nang batas ang panukala noong Marso 2019, hanggang ngayon ay prinoproseso pa rin ng mga ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad nito.
Ang EVOSS Act o Republic Act 11234, na kilala bilang An Act Establishing The Energy Virtual One-Shop For The Purpose Of Streamlining The Permitting Process Of Power Generation Projects, ay inaasahang magpapabilis ng pamumuhunan sa sektor ng enerhiya.
Ayon kay Gatchalian, inaasahang matutugunan ng EVOSS ang red tape sa sektor ng enerhiya at maisusulong ang isang mas kaaya-ayang business environment na inaasahang makakaakit ng mas maraming mga developer ng enerhiya.
“Kailangang maipatupad nang maayos ang mga probisyon ng batas dahil ito ang magsisiguro na magkakaroon ang bansa ng sapat na suplay ng enerhiya sa panahon na kailangan natin ito,” ani Gatchalian.
Sinabi pa ng mambabatas na ang mga pagsisikap ng gobyerno na mapanatili ang paglago ng ekonomiya ay nangangailangan ng naaangkop na mga kondisyon upang makaakit ng mga pribadong mamumuhunan. “Ang layon ng batas ay bawasan o alisin ang ilang permit at makaakit ng mas maraming mamumuhunan. Kaya, dapat tiyakin ng DOE na lahat ng mga probisyon ng batas ay maipapatupad agad,” dagdag niya.
More Stories
TRILLANES TUTURUAN NG LEKSYON NI DIGONG
CALINISAN BAGONG NAPOLCOM COMMISIONER
CATANDUANES, CAMARINES SUR SIGNAL NO. 5 KAY PEPITO