January 23, 2025

Frontliner pagod na, NCR ibalik sa ECQ… SEN. VILLAR SA MGA HEALTH WORKER: PAGBUTIHAN NILA ANG TRABAHO

Kung si Senator Cynthia Villar ang tatanungin, hindi na raw kailangan pang bumalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila sa kabila ng mga panawagan ng medical professionals at health workers na kailangan nila ng pahinga kahit dalawang linggo lamang.

Payo ni Villar sa mga frontliner na dapat ay pagbutihin na lamang umano nila ang kanilang trabaho dahil kung muling ila-lockdown ang National Capital Region (NCR) ay marami namang mamatay sa gutom.

“Hindi na siguro, pagbutihin nila trabaho nila. Hindi pwedeng isara ang ekonomiya kasi kung di naman mamamatay sa COVID, mamamatay naman sa gutom ang tao,” ani ni Villar sa isang panayam sa radyo.

Ito ang naging tugon ni Villar sa panawagan ng iba’t ibang medical group kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa mas istriktong lockdown ang rehiyon dahil muli na namang napupuno ang mga COVID-19 ward ng mga ospital.

Ayon kay Philippine College of Physician Vice President Dr. Maricar Limpin kailangan na rin munang magpahinga ang mga medical workers dahil na rin sa walang humpay na admission ng mga COVID-19 patients sa iba’t ibang lugar dito sa Metro Manila.

Pero ayon kay Villar, normal lang ang mapagod, at kailangan pa ring magtrabaho.

“May time in our lives na ikaw talaga ang mapapagod. Iba-iba naman ang kalamidad. So itong kalamidad na ito ang mapapagod dito ang health frontliners natin. Iba iba yan, but I guess we need to work hard,” aniya.

Imbes na ibalik sa mas istriktong quarantine, iginiit ni Villar sa pamahalaan, partikular sa Department of Health at iba pang ahensiya na nakatoka sa pagtugon sa COVID-19, na pagbutihin pa ang kanilang tungkulin.

“Kailangan imotivate natin ang health department na pagbutihin pa nila at di nila pababayaan,” wika niya.

‘Di tulad ni Villar, taliwas ang naging pahayag ng kanyang mga kasamahan sa Senado na dapat umanong isaalang-alang ng pamahalaan ang panawagan ng ating medical workers.