January 21, 2025

FOREIGN NATIONALS PINAALALAHANAN NG BI PARA SA ANNUAL REPORT

INANUNSIYO ng Bureau of Immigration (BI) na nasa kabuuang 88,072 rehistradong foreign nationals na ang nakapagsumite ng kanilang sarili para sa annual report ngayong taon.

Pinaalalahanan naman ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga dayuhan na may hawak na immigrant at non-immigrant visa, at binigyan sila ng alien certificate of registration identity card (ACR I-Card) na kailangan nilang magpakita ng kanilang sarili sa bureau sa unang 60 araw ng taon para sa taunang ulat o annual report.

Aniya, tatagal ang nasabing pagsumite ng annual report hanggang Marso 1, 2024.

“We have transferred our annual reporting operations to more accessible locations, and have put up an online portal for virtual reporting,” ani Tansingco. “What we are doing is facilitative—we want to make it easier for foreign nationals to comply with the law to ensure better regulation,” dagdag pa ng BI Chief.

Upang i-streamline ang proseso, ang BI ay nagbalangkas ng mga partikular na kinakailangan, kabilang ang isang filled-out online registration na maa-access sa pamamagitan ng e-services website ng BI. Ang mga nag-uulat na dayuhan ay dapat ding magpakita ng kanilang orihinal na balidong ACR I-Card na may mga balidong visa, kasama ang isang balidong pasaporte.

Sinabi ni Atty. Jose Carlitos Licas, BI alien registration division chief, na exempted sa pisikal na pag-uulat sa BI ang mga dayuhan na wala pang 14 taong gulang, mga 60 taong gulang pataas, mga mental o physically incapacitated, mga buntis, at mga dayuhang may medikal na kundisyon.

Ang pisikal na Taunang Ulat para sa punong tanggapan ng BI ay isasagawa sa 3rd Level Center Atrium, Robinsons Manila, at sa Government Service Express (GSE) Unit ng SM Mall of Asia, mula Lunes hanggang Biyernes, hindi kasama ang mga holiday, sa pagitan ng 9AM hanggang 6PM

Nabatid na bukod sa dalawang nabanggit na malls, maaari ding magtungo sa mga tanggapan ng BI sa buong bansa sa gagawing pag-uulat.

Ang virtual annual report para sa mga rehistradong dayuhan na nasa Pilipinas sa panahon ng annual report period ay maaari ding magamit ang e-services platform ng BI sa http://e-services.immigration.gov.ph.