INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development na target ng Walang Gutom 2027 food stamp program na tugunan ang food insecurity at kagutuman ng mga Filipino.
“‘Yung food insecurity na 2% ‘yung target ng food stamp program na ma-address,” ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao.
Ang pahayag na ito ni Dumlao ay bilang tugon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Marso 21 hanggang 25 kung saan nagpapakita na ang pamilyang Filipino ay nakaranas ng involuntary hunger, ibig sabihin ay pagkagutom at walang anumang makain, kung saan tumaas ito ng 14.2%
Sa 14.2% pamilya na nakaranas ng pagkagutom, may 12.2% naman ang nakasama sa moderate hunger habang 2% naman ang dumanas ng matinding pagkagutom.
Ang “Moderate hunger” ay tumutukoy sa mga taong nakaranas ng pagkagutom “only once” o “a few times” sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang “Severe hunger” naman ay tumutukoy sa mga taong nakaranas nito “often” o “always” sa nakalipas na tatlong buwan.
“‘Yung food stamp program ng DSWD ay may dalawang objectives. Una, bawasan ang bilang ng mahihirap na Pilipino na dumaranas ng involuntary hunger and malnutrition. Ikalawa, matulungan sila na magkatrabaho, magkaroon ng kasanayan o kakayahan para maging mga kapakipakinabang na members ng kanilang community,” wika ni Dumlao.
Sa ilalim ng Walang Gutom 2027 program na inilunsad noong Setyembre 2023, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng isang electronic benefit transfer card na naglalaman ng P3,000 halaga ng food credits na ibibigay buwan-buwan.
Ang mga benepisaryo ay kinakailangang sumailalim sa nutrition sessions bago pa sila mabigyan ng card.
“This can be used to buy food from stores accredited by the DSWD such as Kadiwa,” ayon kay Dumlao.
“Ang objective ng programa, matulungan sila na mabigyan sila ng makakain upang kalaunan, matulungan nila ang kanilang sarili na sila ay maghanap na ng kanilang sariling makakain,” dagdag niya.
Ang nagpapatuloy na pilot implementation ng programa ay mayroong mahigit 2,300 beneficiaries, hinugot mula sa isang milyong households na “classified as the poorest,” base sa Listahanan ng DSWD.
“Of these, 1,298 are in Tondo in Manila, and the rest are in San Mariano in Isabela, Dapa in Siargao, Garchitorena in Camarines Sur, and Parang Maguindanao,” ani Dumlao.
“This year, ang target ng DSWD is to scale up its implementation to cover 300,000 household beneficiaries,” dagdag na wika nito. Ang mga benepisaryo ay magmumula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Tinuran pa ni Dumlao na dahil sa ang Walang Gutom 2027, idinisenyo na magtatagal hanggang 2027, ay nananatiling nasa ilalim ng pilot implementation, hindi pa rin nila madetermina sa ngayon ang epekto ng programa.
“But based on our monitoring, and base na rin doon sa ating pakikipag-dialogo or ating conversation with the beneficiaries particularly in Tondo, Manila, nababanggit nila na napakalaking tulong itong food stamp programa sa kanilang pamumuhay dahil natuturuan sila to prepare nutritious meals for their children,” ayon kay Dumlao.
“And in addition to that, nababanggit din nila na malaking tulong ang P3,000 food credits na natatanggap nila buwan-buwan dahil ‘yan ay nakakatulong doon sa kanilang pagtawid araw-araw,” lahad nito.
Samantala, ang plano pa rin ng programa ay ang ipanawagan na itaas o dagdagan ang P3,000 food credits.
“‘Yan ang nasa program design. Hindi pa napag-uusapan ang pag-increase ng amount na tinatanggap ng partner beneficiaries, but we are looking into that because there are proposed legislations to institutionalize the Food Stamp Program,” giit ni Dumlao.
More Stories
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
6 tulak, nadakma sa higit P.2M shabu sa Navotas
Higanteng Christmas tree sa Araneta City pinailawan