January 24, 2025

Fishing vessel nasunog, 22 Filipino seafarers nakaligtas

NAKALIGTAS  ang 22 Filipino seafarers na sakay ng nasunog na FBCA JHIERON JAY 88  na naaksidente   sa dagat na sakop ng Socorro, Surigao del Norte.

Sa imbestigasyon, umalis ang barko sa  Surigao del Norte upang pumalaot sa Pacific Ocean kung saan sila ay mangingisda.

Habang naglalayag, aksidenteng tumulo ang gasolina sa engine compartment na unti-unting kumalat sa main engine at sa LPG tank, dahilan upang magkaroon ng pag-aapoy na dahilan nang pagsabog ng LPG.

Dahil dito ay agad na naglundagan sa dagat ang mga seafarer na pinalad na nailigtas ng fishing boat na FBCA LOVEDEL na naglalayag ng mga oras na iyon sa lugar.

Kasunod nito ay agad na humingi ng responde si Captain Mario Judy Pasmabo ng FBCA LOVEDEL sa PCG Station sa  Surigao del Norte na agad nag-deploy ng PCG rescue team sa Hinatuan Passage

Nabatid naman na sa 22 nailigtas na Filipino seafarers, apat ang nagtamo ng major burn injuries, anim ang minor burn injuries habang ang 12 ay nasa maayos na kalagayan.

Pagdating sa  Surigao Baseport, ang mga sugatang seafarer ay sinalubong ng limang ambulansiya at mga  medical personnel mula sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, at  Philippine National Police – Maritime Unit XIII na nagdala sa kanila sa pinakamalapit na ospital.