September 7, 2024

FISH VENDOR SUGATAN SA PAMAMARIL SA MALABON

Sugatan ang isang 43-anyos na fish vendor matapos barilin ng kabarangay sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang hita ang biktimang si Alvin Santos, alyas “Negro”, 43 ng Blk 48F Lot 18 Phase 3 Brgy. Longos.

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang pagtugis upang maaresto ang suspek na kinilalang si Jimmy Abaya, 35 ng Blk 49 Alupihan Dagat Dagatan, Brgy. Longos.

Sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Blk 48 Brgy. Longos dakong 1:30 ng madaling araw nang makarinig siya ng putok ng baril kaya’t tumakbo ito para sa kanyang kaligtasan.

Gayunman, nakita ng biktima na papunta sa kanya ang suspek at agad siya nitong binaril kung saan tinamaan siya sa kaliwang hita.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima ng kanyang mga kaanak sa naturang pagamutan.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya subalit, hindi nila naaresto ang suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.