December 27, 2024

FISH PORTER BINURDAHAN NG SAKSAK SA HARAP NG LIVE-IN PARTNER

NASA malubhang kagalayan ang isang fish porter matapos pagsasaksakin sa harap mismo ng kanyang live-in partner ng kapwa fish porter sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa kanang braso at kaliwang bahagi ng dibdib ang biktimang si Emmanuel Joy Gallardo, 29 ng Phase 6, Flovihomes Brgy., Tonsuya.

Iniutos naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang pagtugis para maaresto ang suspek na kinilalang si Jhonny Dela Cruz, 50 ng Phase 2, Paradise Village ng nasabi ring Barangay.

Sa imbestigasyon nina PSSG Mardelio Osting at PCpl Renz Marlon Baniqued, habang kainuman ng biktima ang kanyang live-in partner na si Kathleen Jiongco at kaibigana na isang certain Dianne sa Phase 8, Flovihomes dakong alas-6:50 ng gabi nang biglang sumulpot ang suspek at sa hindi malaman na dahilan ay pinagsasaksak nito si Gallardo sa harap ng ka-live-in.

 Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon dala ang ginamit na patalim habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan.          

Inalaam pa ng mga pulis ang motibo ng suspek sa pananaksak sa biktima.