November 24, 2024

Financial literacy sa mga OFW isinusulong ni Tulfo (para iwas scam)

Naghain si Senator Idol Raffy Tulfo ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng libreng financial literacy training programs para sa mga OFW bilang pre-departure at post-arrival seminar upang makaiwas sila sa iba’t ibang investment at online scam.

Si Tulfo, na Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, ay naghain ng Senate Bill (SB) No. 2078 para mataguyod ang financial responsibility at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga OFW sa pag-manage ng kanilang pera.

“Numerous Overseas Filipino Workers are victimized by various investment and online scams. Due to a lack of financial knowledge, a great number of OFWs are exploited and swindled off their hard-earned money and return home to their families empty-handed,” nakasaad sa explanatory note ng bill.

“As such, financial education remains the key component to equip Filipinos, most importantly OFWs, with the skills and knowledge to make sound financial choices,” dagdag dito.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang karaniwang Pilipino ay nananatiling mababa ang antas ng financial literacy kaya hirap itong magdesisyon tungkol sa pag-iimpok, pamumuhunan, pautang, at marami pang iba.

Sinabi ni Tulfo na ang COVID-19 pandemic ay nagpakita sa lahat ng Pilipino ng kahalagahan ng financial safety at responsibility.

Sa ilalim ng SB No. 2078, lahat ng OFW ay sasailalim sa mandatory financial literacy training seminars na magiging mahalagang bahagi ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS).

Dapat isama ng financial literacy ang edukasyon sa mga produktong pinansyal, tulad ng mga stock, bond, insurance, at mutual funds, na available sa merkado.