January 24, 2025

FILIPINO DEHADO SA PLANONG IMPORTASYON NG MODERNONG JEEP SA CHINA

Inalmahan ni Senator Idol Raffy Tulfo ang pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula pa sa China na ipampapalit sa mga lumang pampasaherong jeep sa bansa bilang parte ng Jeepney Modernization Program.

Ayon kay Sen. Tulfo, nangangamoy korapsyon ang proyektong ito lalo pa at kaya naman ng isang local manufacturing industry ng jeepney ang gumawa ng isang kalidad na modern jeep sa mas mababang halaga.

Napag-alaman ni Sen. Idol na ang imported jeepney mula sa Tsina ay nagkakahalaga ng ₱2.6 hanggang ₱2.9 million bawat unit. Higit na mas mahal ito sa isang brand new unit na kaya namang gawin ng local company gaya ng Sarao at Francisco Motors sa halagang ₱900,000 hanggang ₱985,000 lamang bawat isa.

Sinabi ni Sen. Tulfo na aabot sa tinatayang ₱1.7 million per unit ang matitipid ng gobyerno kung pipiliin ang local manufacturer kaysa sa isang Chinese company. Bukod dito, kung nasa ₱900,000 lang ang halaga ng bibilhing jeepney, mas kakayanin ng gobyerno ang subsidies para maipatupad ang modernization ng walang gastos sa jeepney drivers at operators.

Dagdag pa ni Sen. Idol, kapag sa bansa mismo natin ginawa ang modern jeepney, ito ay makakalikha ng libo libong trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.

Makasisiguro rin ang taumbayan na mapapanatili ang estilo, porma, at disenyo ng jeep na simbolo na ng kultura ng ating bansa kapag ito ay gawang Pinoy.

Nabanggit din ni Sen. Idol na mahalagang isaalang alang sa modernization program ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo pa ng mga pobreng jeepney driver.

Binigyang diin ni Sen. Idol: “Ang karagatan natin sa West Philippine Sea ay sinasakop na nga ng China, pati ba naman mga kalsada natin ay papayag tayong sasakupin na rin nila?!”