January 23, 2025

FACTORY WORKER, BINURDAHAN NG SAKSAK (Anak binastos sa Messenger, ama rumesbak)

Isang factory worker ang nasa kritikal na kondisyon matapos pagsasaksakin ng ama ng babaing kanyang pinadadalhan ng malalaswa at mahalay na pananalilita sa messaging app na Messenger Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.

Kung hindi sa mabilis na pagresponde ng mga opisyal ng barangay, malamang na pinaglalamayan na ang biktimang si Alexander Marcial, 40, residente ng 108 Samonte Apartment, Brgy. Bagbaguin na kaagad nalapatan ng lunas sa Valenzuela Medical Center kung saan siya isinugod sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Naaresto naman ng mga opisyal ng barangay ang suspek na si Rustan Chavez, 37, walang trabaho at nakatira sa 130 Samonte Compound, Gen Luis St. Brgy, Bagbaguin at nakuha rin sa kanya ang ginamit na patalim.

Sa ulat na tinanggap ni Valenzuela police chief P/Col. Fernando Ortega, nakita umano ni Chavez ang mga malalaswa at mahahalay na mga pananalita na ipinadadala ng biktima sa kanyang anak na babae sa messenger at upang gantihan, nagpanggap ang suspek na siya ang dalagang pinadadalhan ng mensahe at nakipagkasundo na magkita sila sa isang lugar.

Sumangayon naman si Marcial sa pag-aakalang ang kausap niya ay ang anak ng suspek at nagkasundo silang magkita sa harap ng Dela Cruz Compound sa Brgy. Bagbaguin na malapit lamang sa tirahan ng pamilya Chavez.

Dakong alas-11:40 ng gabi nang dumating si Marcial sa kanilang tipanan ng inaakala niyang dalagang kanyang ka-chat at pagkababa pa lamang niya ng sinakyang motorsiklo, sinalubong kaagad siya ng suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa bahagi ng katawan.

Bagama’t sugatan, nagawa pang makatakbo ng biktima subalit hinabol siya ng suspek at nang abutan ay muling pinagsasaksak hanggang sa dumating ang mga tauhan ng barangay at inaresto si Chavez na nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder.