November 23, 2024

FACE SHIELD ‘DI NA KAILANGAN ‘PAG NASA LABAS – PALASYO

Hindi na kailangan ng mga Filipino na magsuot ng face shield kapag nasa labas ng bahay o gusali, ayon sa Malacañang.

Sa ngayon, mananatili ang pagsusuot ng face shield sa loob ng mga gusali, sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

“Ang malinaw po ganito, hindi na kailangan ng face shield sa labas kasi hindi naman po ‘yan inapila ng IATF,” ani ni Roque.

Ang inapela lang ng IATF, ‘yong pagsuot ng face shield sa loob kasama na sa mga malls, kasama na po ang commercial establishments, at saka sa mga pampublikong transportasyon,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, nagdulot ng kalituhan ang iba-ibang pahayag ng mga taga-gobyerno kaugay sa pagsusuot ng face shield sa labas ng mga tahanan at gusali.

Ayon kasi kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa ospital lang dapat isinusuot ang face shield. 

Pero makalipas ang ilang oras, binawi ito ng Palasyo at sinabing mananatili ang mandatory wearing of face shield dahil umapela ang IATF na isuot pa rin ito habang nasa indoor spaces.

Ayon kay Roque, inaasahan ding tatalakayin ang isyu ng face shield sa Talk to the People in Duterte ngayong gabi ng Lunes.

Humingi ng paumanhin si Roque sa publiko sa kalituhang nangyari noong nakaraang linggo.

Ni-require ang pagsusuot ng face shield bilang dagdag proteksyon kontra COVID-19. Sa huling tala, mahigit 1.3 milyon na ang nahahawahan ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan higit 57,600 ang active cases o may sakit pa rin.